Loisa natikman ang buhay-sementeryo


MULING mapapasabak sa drama ang Kapamilya young actress na si Loisa Andalio sa isa na namang espesyal na episode ng Maalaala Mo Kaya sa ABS-CBN hosted by Charo Santos.

Mamumulat si Khay Ann “Kikay” Igle (Loisa) sa kahirapan at buhay-sementeryo sa murang edad kung saan niya matututunang mangarap para magkaroon ng maginhawang buhay.

Dahil sa kahirapan, magpupursigi si Kikay na makaalis ang pamilya sa sementeryo kahit na mahina ang loob ng kanyang inang si Ruth (Ynez Veneracion).

Samantala, ang kanyang ama na si Kokoy (Yul Servo) naman ay patuloy silang binubuhay sa pamamagitan ng pagtitinda ng lumpia at okoy.

Sa kabila ng pang-aalipusta sa kanya ng ibang tao, at hirap sa pagtitnda ng kandila at sampaguita sa sementeryo, hindi tumigil mangarap si Kikay.

Samantala, patuloy siyang sinuportahan at kinalinga kanyang Lola Luz (Gina Pareño) na gumagabay sa kanya para sundin ang kanyang mga pangarap at plano para sa sarili at sa pamilya.

Makakapag-aral si Kikay dahil sa tatag ng loob mula sa sarili at sa lola, at maiiba ang takbo ng buhay ng makasama sa mga batang kalyeng tinuturuan ng Childhope Asia Philippines. Kalaunan, magiging isa sa mga guro sa NGO si Kikay at makakapag-aral ng kolehiyo.

Magiging mapait ang kapalaran dahil haharap sa matinding karamdaman si Lola Luz at babawian ng buhay.

Matatapos pa kaya sa pag-aaral si Kikay para matupad ang panagarap na maiahon ang pamilya sa hirap?

Makakasama rin sa MMK episode na ito sina Raikko Mateo, Raine Salamante, Melissa Jimenez, Yesha Camile at Miel Espinosa, sa direksyon ni Nuel Naval, at sa panulat nina Benson Logronio at Arah Jell Badayos.

Panoorin ang longest-running drama anthology sa Asya, ang MMK, tuwing Sabado ng gabi sa ABS-CBN.

Read more...