Ayon kay Chief Supt. Roberto Fajardo, direktor ng Highway Patrol Group, may mga pagbabago ng ginawa sa sasakyan ni Jojo Valerio, ng grupong Lil Eyes.
Inalis na rin umano ang plakang 8 at ikinabit na ang regular na plaka nito.
Hindi pa malinaw kung papaano nagkaroon si Valerio ng plakang 8 na maaari lamang gamitin ng mga kongresista sa kasalukuyang Kongreso.
Mula 2015 ay hindi na naglabas ng plakang 8 ang Land Transportation Office kaya dapat ay wala ng gumagamit ng plakang ito.
Sinabi ni Fajardo na magsasagawa ng operasyon ang HPG laban sa mga gumagamit pa ng plakang 8.
Ang gagamit ng expired na plakang 8 ay pagmumultahin ng P5,000.
Sa isang video makikita si Valerio na sinusuntok ang driver ang isang kulay pulang sedan. Ang kanyang sasakyan noon ay nakaharang sa daraanan nito.
Sinabi ni Valerio na kinut siya ng sedan kaya bigla siyang napapreno. Mayroon umano siyang sakay na apat na taong gulang na bata noon na nasaktan dahilan upang magalit siya at habulin ang sasakyan.
Nakalabas si Valerio matapos na maglagak ng piyansa sa kasong isinampa ng lalaki na kanyang sinuntok.