PINATUNAYAN ng San Beda Red Lions na wala silang katapat sa NCAA.
Pero naging malaking isyu sa madlang pipol ang pagkawala ni Lyceum star CJ Perez sa Game One ng title series ngunit sa mga alam ang kanilang basketbol, nais naman ng Red Lions na kumpleto ang Pirates sa simula hanggang pagtatapos ng serye na aminin man o hindi ay hindi naging kapanapanabik tulad ng inaasahan.
Bumalik si Perez sa Game 2 ngunit lalo pa itong naging hamon sa Red Lions upang ipakita ang tunay nilang bangis.
Resulta? 71-56 panalo at ika-22 titulo overall ng San Beda. Ito rin ang ika-11 korona ng Red Lions sa huling 13 taon.
Hindi na magagamit na dahilan na dahil wala si Perez ay nanalo ang San Beda. Nagwagi ang Red Lions dahil angat sa iba ang estilo ng kanilang basketbol. Kung kailangang pumutok ay puputok ang San Beda na kaya ring patahimikin ang pagputok ng kalaban.
PSC, GAB WALANG PAGOD
Mabuti na lang at nasa mabubuting kamay ang Philippine Sports Commission (PSC) at Games and Amusements Board (GAB). Protektado ang mga atletang amatyur at propesyonal dahil sa pagpapahalaga ng mga opisyal ng dalawang ahensya.
Isa ako sa natuwa matapos pamunuan ni Butch Ramirez ang PSC. Ito ay dahil nasa damdamin ni Ramirez ang pagmamahal sa mga atleta. Noon pa man ay nais isulong ni Ramirez kasama sina Commissioner Arnold Agustin, Charles Raymond Maxey, Celia Kiram at Ramon Fernandez ang kapakanan ng mga atleta (kabilang ang mga Differenly-Abled athletes).
Nangunguna sa programa ng PSC sa Differently-Abled si Commissioner Agustin na kamakailan lang ay nilunsad ang “Differently-Abled Sports 4 LIFE” Paragames sa Cagayan de Oro City.
Ang maganda nito ay pinapakita rin ng programa ang magandang resulta ng kooperasyon sa pagitan ng PSC at ng Local Government Unit. Nagkasundo ang PSC at si Cagayan De Oro City Mayor Oscar Moreno na hindi ‘‘one-time, big time’’ ang “Differently-Abled Sports 4 LIFE” Paragames kundi patuloy na programa.
Hindi naman nahuhuli ang GAB na nasa ilalim ng kumpas ni Baham Mitra. Publiko serbisyo ang nasa isip ni Baham na sinusulong ang proteksyon ng mga propesyonal na atleta laban sa mga mapagsamantala.
Kinikilala sa internasyonal tanghalan ang GAB dahil sa programang medikal nito sa mga boksingero. At kung susuriin ay maraming propesyonal isports (e-sports, motorsports, atbp) ang ngayo’y nasa pangangalaga na ng GAB.
Dahil sa bilib ang World Boxing Council sa kakayahan ni Mitra ay gagawin ngayong buwan sa Philippine International Convention Center sa Pasay City ang WBC 3rd Women’s Convention and Asian Summit.
Ibig sabihin nito ay hindi lang pang-boksing, pang-basketbol at pang-sabong ang GAB sa ilalim ni Mitra.
Balik tayo sa PSC. Napakaganda ng pinakabagong programa ng PSC upang unti-unti (hindi madalian) ng tuldukan ang mga magkakahiwalay na grupo na malaking sagabal upang makuha ng mga atleta ang kanilang tunay na potensyal.
Sa kauna-unahang pagkakataon, isinapubliko ni Ramirez ang programa ng ahensya na hingin ang mga opinsyon (kasama na siyempre ang mga hinaing) ng mga taong apektado ng mga gulo.
Pagtitiyak ni Ramirez na ginagawa ang lahat upang tukuyin at bigyan solusyon ang mga problema: ‘‘We are here not to intervene but to listen. What we can do is to present this to the POC and help them find a solution.’’
Nasa tamang panahon ang ginagawa ng PSC sapagkat nakakasawa na at nakakainis ang dibisyon sa isports ng bansa.
Mahusay rin ang pagpapatibay ng PSC sa relasyon nito sa DepEd. Sinimulan na ang Grassroots Coaching Education Certification Program Davao del Norte Sports and Tourism Complex na naglalayong magkaroon ng iisang programa upang palakasin ang grassroots sports. Malaking bagay ito sa pagtuklas ng mga talento na kalauna’y magbibigay karangalan sa bansa.