NAGPAALALA na ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga employer sa pribadong sektor na sumunod sa tamang panuntunan para sa pagpapasuweldo sa mga manggagawa para sa regular at special non-working holiday sa Nobyembre.
Batay sa Labor Advisory No. 16, series of 2018, ang pagkalkula sa suweldo ng mga manggagawa para sa Nobyembre 1 at 2 na idineklara bilang special non-working holidays, at Nobyembre 30, bilang regular holiday.
Para sa regular holiday sa Nobyembre 30, ang mga employer ay dapat na itakda ang mga sumusunod na payment rules:
Kapag ang empleyado ay hindi nagtrabaho, babayaran pa rin siya ng 100 porsiyento ng kanyang suweldo para sa isang araw, gayundin ng kanyang Cost of Living Allowance [(Arawang suweldo + COLA)] x 100%];
Kapag pumasok naman ang empleyado sa trabaho, babayaran siya ng 200 porsiyento ng kanyang suweldo para sa isang araw para sa unang walong oras ng trabaho, gayundin ng kanyang COLA [(Arawang suweldo + COLA) x 200%].
Kapag ang empleyado ay nagtrabaho nang lagpas sa walong oras, babayaran siya ng karagdagang 30 porsiyento ng kanyang hourly rate (Hourly rate ng arawang suweldo x 200% x 130% x bilang ng oras na tinrabaho).
Kapag ang empleyado ay nagtrabaho at nataon na ang mga araw na ito ay kanyang day-off o rest day, tatanggap siya ng karagdagang 30 porsiyento ng kanyang arawang sahod na 200 porsiyento [(Arawang suweldo + COLA) x 200%] + [30% (Arawang suweldo x 200%)];
Sakali namang mataon na day-off ng empleyado at nagtrabaho siya ng overtime, tatanggap siya ng karagdagang 30 porsiyento ng kanyang hourly rate para sa nasabing araw (Hourly rate ng arawang suweldo x 200% x 130% x 130% bilang ng oras na tinrabaho).
Samantala, hinikayat ang mga employer na sundin ang panuntunan sa pagpapasuweldo para sa special non-working holiday sa Nobyembre 1 at 2:
Kung ang empleyado ay hindi nagtrabaho, ang patakaran na ‘no work, no pay’ ang dapat gamitin maliban lamang kung may polisiya ang kompanya o collective bargaining agreement (CBA) na nagtatakda ng kabayaran para sa special holidays.
Ang patakaran para sa mga nasabing holidays para sa ginampanang trabaho, dapat bayaran ang empleado ng karagdagang 30% ng kanyang arawang sahod para sa unang walong oras o [(Arawang Sahod x 130%) + COLA].
Habang ang trabahong ginampanan ng mahigit sa walong oras (overtime), siya ay dapat bayaran ng karagdagang 30% ng kanyang orasang kita o [(Orasang kita ng kanyang arawang sahod x 130% x 130% x bilang ng oras na trinabaho)].
Para sa trabahong ginampanan para sa mga nasabing araw na siya ring araw ng pahinga ng empleado, dapat siyang bayaran ng karagdagang 50% ng kanyang arawang kita para sa unang walong oras, o [(Arawang sahod x 150%) + COLA].
Samantalang para sa trabaho na mahigit sa walong oras (overtime) na siya ring araw ng pahinga ng empleado, siya ay dapat bayaran ng karagdagang 30% ng kanyang orasang kita, o [(Orasang kita ng kanyang arawang sahod x 150% x 130% x bilang ng oras na trinabaho).
Information and Publication Service
Department of Labor and Employment
Intramuros, Manila
Telephone Nos.: 5273000 local 621-627
Fax No.: 5273446
May nais ba kayong isangguni sa Aksyon Line? Maaari kayong sumulat sa aming tanggapan Aksyon Line c/o Inquirer Bandera, MRP bldg., Mola st. cor. Pasong Tirad st., Makati City o kaya ay mag-email sa jenniferbilog@yahoo.com.ph or jenniferbilog1977@ gmail.com.
Hangad ng Aksyon Line na buong puso namin kayong mapaglingkuran sa abot ng aming makakaya.