HAPPY ang Kapuso comedy genius na si Michael V para sa mga kaibigan niyang sina Ogie Alcasid at Regine Velasquez.
Kahapon, sa mediacon ng 23rd anniversary ng longest gag show sa bansa, ang Bubble Gang, natanong si Bitoy kung ano ang reaksyon niya sa pagsunod ni Regine sa kanyang asawang si Ogie sa kabilang network.
“I’m really, really happy for them. Hindi mo dapat bakuran talaga ang sarili mo.
“Kahit ako, for myself, hindi ko naman ini-imagine na nagpapaiwan ako sa isang lugar ko na hindi nag-i-improve ‘yung ginagawa ko or ‘yung talent,” paliwanag pa ng komedyante-TV host.
Dugtong pa niya, “Ngayon, if you feel the need to do it, you have every reason, you have every right to do it. Sa ngayon, ako, wala pang reason.”
Naiintindihan din daw ni Bitoy ang desisyon ng kanyang mga kaibigan na iwan na ang GMA at kahit daw nasa kabilang network na si Ogie ay BFF pa rin ang turing niya rito dahil ilang taon din silang nagkasama sa Bubble Gang.
Samantala, inamin naman ng Kapuso comedian na mas mahirap magpatawa ngayon sa telebisyon dahil iba-iba na ang klase ng viewers na tumututok sa Bubble Gang tuwing Biyernes ng gabi. Kaya naman kailangan nilang sumabay sa agos at mag-effort para mas mapasaya at mapatawa ang mga manonood.
At ngayong 23 years na silang umeere, maraming inihandang pasabog ang Bubble Gang, kabilang na ang anniversary episode nila sa Nov. 23 kung saan magsisimula na ang bago nilang battle cry, ang “Bente Tres Oras”. Abangan ang mga bagong paandar nina Bea Bangenge (Bitoy) at Toto Batoto (Antonio Aquitania) na muling magsasama sa isang nakakalokang journey upang makahanap ng WIFI.
“Inaral namin ‘yung mga characters from the past episodes ng Bubble Gang at pinagsama-sama namin sa isang napakasayang istorya na involving a lot of elements, action, comedy and konting drama,” chika ni Michael V na sinabing maraming karakter sa Bubble Gang ang magbabalik sa mga susunod na episode ng gag show.
Nabanggit sina Antonietta, Don Cantoni, Mr. Assimo, Tata Lino, ang mga host ng Balitang Ina, Lebrown James at marami pang iba.
Siyempre, present din sa ginanap na mediacon kahapon ang iba pang katropa ng Bubble Gang tulad nina Paolo Contis, Boy 2 Quizon, Betong Sumaya, Sef Cadayona, James Macasero, Rodfill, Archie Alemania, at Diego Llorico.
Nandu’n din ang mga Kapuso heartthrobs na sina Jak Roberto, Juancho Trivino at Mikoy Morales with BG girls na sina Kim Domingo, Chariz Solomon, Mhyka, Jakcie Rice, Lovely Abella, Valeen Montenegro and Denise Barbacena.
Ang Bubble Gang ay sa direksyon ni Bert de Leon at napapanood pa rin tuwing Biyernes pagkatapos ng Pamilya Roces sa GMA 7.
q q q
Patuloy na tumitindi ang madadramang eksena sa Kapuso primetime series na Onanay na pinagbibidahan nina Kate Valdez, Mikee Quintos, Cherie Gil, Nora Aunor at Jo Berry.
Bukod sa mga pakilig na eksena ng magka-loveteam na sina Mikee at Enrico Cuenca, inaabangan din ang mga pagtataray ni Cherie Gil sa serye, lalo na ang confrontation scenes nila ni Ate Guy.
Bukod kasi sa kanyang iconic “copycat” scene, abangers din ang viewers sa malulutong na sampal na ibinibigay niya sa mga kasamahan niya sa Onanay.
Halos lahat na yata ng cast members ng serye ay nasampal na ni Cherie. Pero ang sinasabing quota na sa sampal ng aktres ay ang gumaganap na anak niya sa Onanay na si Kate.
Grabe! napanood ko kasi ang isang video kung saan pinagsama-sama ang mga eksena ni Kate sa serye kung saan paulit-ulit siyang sinasampal ni Cherie.
Tutukan ang mas marami pang pasabog sa Onanay gabi-gabi sa GMA Telebabad after Victor Magtanggol.