Mamamahayag patay matapos saksakin sa Albay

PATAY ang isang miyembro ng media matapos na saksakin nang tumangging makipaglaro ng basketball sa isang covered court sa bayan ng Daraga, Albay, ayon sa pulisya.

Nasawi si Celso Amo, 66, residente ng Barangay Pagasa at Correspondent ng Philippine Star, na nakabase sa Albay.

Kinilala naman ang suspek na si Adam Abanez, 33, na tubong bayan ng Pilar, Sorsogon.

Sinabi ni Senior Inspector Mayvell Gonzalez, Albay police spokesperson, na pansamantalang nakatira si Abanez sa Daraga.

 

Ayon sa inisyal na police report, naglalaro ng basketball ang biktima sa covered court nang lapitan siya ng suspek at yayaing maglaro ng basketball ganap na alas-8:05 ng umaga.

Tumaggi si Amo na makipaglaro, dahilan para magalit ang suspek, ayon sa mga testigo.

Umalis ang suspek bagamat bumalik sa basketball court na armado na ng kutsilyo at inatake ang biktima.

Idinagdag ni Gonzalez na dinala si Amo sa Bicol Regional Training and Teaching Hospital (BRTTH).  Nasawi si Amo habang ginagamot.

Agad namang nahuli ang suspek dahil katapat lamang ng Daraga Covered Court ang Daraga police station.

Tubong Ormoc City si Amo at retiradong empleyado ng Philippine Information Agency sa Bicol region. Nagsusulat siya para sa Philippine News Agency at Philippine Star.

Read more...