MUKHANG naka-move na rin ang controversial young actor na si Paul Salas sa maintrigang break-up nila ni Barbie Imperial.
Ayon kay Paul, naka-focus siya ngayon sa kanyang career at wala muna siyang balak manligaw. Super thankful din siya sa GMA 7 dahil mula nang bumalik siya sa Kapuso Network ay sunud-sunud na ang trabahong ibinibigay sa kanya.
Nakachikahan namin si Paul sa mediacon ng “The Color Run Hero Tour” na pinamamahalaan ni Dingdong Dantes sa pamamagitan ng kanilang YesPinoy Foundation na suportado rin ng kanyang misis na si Marian Rivera. Kasamang tatakbo ang binata sa nasabing fun run with a cause together with other Kapuso stars.
Ayon kay Paul, totoong naging espesyal ang relasyon noon nila ni Barbie pero hindi raw talaga ito umubra, pero aniya, masaya siya sa mga nangyayari ngayon sa career ng dalaga. At ayaw na rin niyang pag-usapan kung bakit nga ba sila naghiwalay ng aktres.
Kung matatandaan, na-bash nang todo ang young actor nang lumabas ang mga tsismis na sinasaktan daw niya si Barbie noong sila pa, pero hanggang ngayon ay wala namang pag-amin tungkol dito si Barbie.
Sey ni Paul, kahit paano ay naapektuhan siya ng pamba-bash ng mga netizens lalo na yung mga nanghusga sa pagkatao niya kahit hindi naman nila alam ang katotohanan.
Tanong namin kay Paul kung iniyakan ba niya ang nangyari sa kanila ni Barbie, “Hindi ko naman masyadong iniyakan pero sobrang naapektuhan ako. Pero ganu’n talaga siguro kailangan nating pagdaanan ang mga ganitong bagay para mas maging mature at matuto tayo.”
Sunod na tanong namin kung okay lang sa kanya na si JM de Guzman ang bagong dyowa ngayon ni Barbie, tugon ng binata, “I’m happy for them. Sino ba naman ako para makialam pa sa kanila, di ba?
“Tsaka noon pa kapatid na talaga ang turing ko kay Kuya JM, I respect him as a person and as an actor. Kung totoong sila na nga, masaya ako para sa kanila,” aniya pa.
Samantala, makakasama rin ni Paul sa pagtakbo bukod sa GMA Primetime King & Queen na sina Dingdong at Marian Rivera sa The Color Run Hero Tour, ang iba pang Kapuso stars tulad nina Kris Bernal, Rocco Nacino, Sanya Lopez, Ruru Madrid, Bianca Umali, Kyline Alcantara, Ayra Mariano, Manolo Pedroso at marami pang iba.
Also known as “Happiest 5k on the planet,” Color Run is presented by GMA Network and organized by Runrio Events. Ayon kay Dingdong, ang proceeds ng event ay ido-donate sa “I Am Super Campaign” ng YesPinoy.
Ito’y isang disaster preparedness initiative, “designed to equip young people from vulnerable schools and communities with knowledge, skills and tools such as Go Bags or emergency kits which are developed by Typhoon Yolanda survivors.
For inquiries about Color Run Hero Tour, log on lang kayo sa https://thecolorrun.com.ph or visit Olympic Village sa Glorietta 2, Fisher Mall, Market Market, Alabang Town Center at Sports House sa Mall Of Asia.