Mga Laro Sabado (November 10)
(Alonte Sports Center)
12 p.m. FEU vs La Salle-Dasmariñas
2 p.m. CSA-Biñan vs UP
4 p.m. Cignal vs Generika-Ayala
6 p.m. Petron vs F2 Logistics
MAKUHA ang ikaapat na panalo at solo liderato ang hangad ng Petron Blaze Spikers at F2 Logistics Cargo Movers sa kanilang salpukan sa 2018 Philippine Superliga (PSL) All-Filipino Conference ngayong Sabado sa Alonte Sports Center sa Biñan City, Laguna.
Magtutuos ang Petron at F2 Logistics ganap na alas-6 ng gabi matapos ang bakbakan ng Cignal HD Spikers at Generika-Ayala Lifesavers dakong alas-4 ng hapon sa torneong suportado ng Isuzu, Sogo, Senoh, Asics, Mikasa, Mueller, UCPB Gen at Bizooku katuwang ang Genius Sports bilang technical partner.
Bago ang mga nasabing labanan, maghaharap muna ang La Salle-Dasmariñas at Far Eastern University alas-12 ng tanghali habang magsasalpukan ang Colegio San Agustin-Biñan at University of the Philippines alas-2 ng hapon sa ikalawang araw ng Collegiate Grand Slam.
Ang Blaze Spikers at Cargo Movers ay hindi pa natatalo sa kanilang unang tatlong laro kung saan ang Petron ay magmumula sa impresibong 25-23, 25-14, 25-18 pagwawagi kontra Smart Giga Hitters habang ang F2 Logistics ay itinala ang 25-13, 25-16, 25-8 panalo laban sa Cocolife Asset Managers noong Huwebes.
Subalit isa sa kanila ang magwawakas ang winning streak kahit na masasabing magkatapat ang kanilang lakas.
Sasandalan ni Petron coach Shaq Delos Santos sina Rhea Dimaculangan, Mika Reyes, Remy Palma, Frances Molina, Sisi Rondina, Bernadeth Pons, Aiza Maizo-Pontillas at ang mga libero na sina Pia Gaiser at Buding Duremdes para mauwi ang panalo.
Sa panig ni F2 Logistics coach Ramil de Jesus sasandigan niya sina Kim Fajardo, Aby Maraño, Majoy Baron, Ara Galang, Cha Cruz, Kianna Dy ay Dawn Macandili bilang libero para magwagi sa laban.