GUILTY ang hatol ng Sandiganbayan Fifth Division kay dating First Lady at Ilocos Norte Rep. Imelda Marcos sa pitong kaso ng graft kaugnay ng $200 milyon na ipinasok umano niya sa pitong Swiss bank accounts noong 1975.
Si Marcos ay hinatulan ng anim hanggang 11 taong pagkakakulong sa bawat kaso. May kaakibat na perpetual disqualification sa paghawak ng posisyon sa gobyerno ang parusa.
“Wherefore, judgment is hereby rendered finding the accused, Imelda R. Marcos, guilty beyond reasonable doubt for violation of R.A. No. 3019 Section 3(h)… whereby she is sentenced in each case to suffer an indeterminate penalty of imprisonment of six years and one month, as minimum, to 11 years, as maximum, with perpetual disqualification from holding public office.”
Inabsuwelto naman si Marcos sa tatlo pang kaso ng graft dahil sa kakulangan ng sapat na ebidensya.
Hindi rin naglabas ng desisyon ang korte kaugnay ng forfeiture case na kaakibat ng isinampang kasong kriminal.
Wala si Marcos o ang kanyang abugado sa courtroom ng basahin ang hatol kaya sila ay pinagpapaliwanag ng korte sa loob ng 30 araw.
Inaasahan ang pagpapalabas ng korte ng arrest warrant laban kay Marcos.
Maaari rin siyang maghain ng motion for reconsideration o iakyat ang desisyon sa Korte Suprema.
Ang kaso ay kaugnay ng papel umano ni Marcos sa paglipat ng $200 milyon sa Swiss account na ipinagbabawal sa ilalim ng 1973 Constitution. Ang naturang mga account ay binuksan umano gamit ang mga alyas. Si Marcos noon ang Metro Manila governor.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.