Meralco, Phoenix agawan sa huling semis berth

Laro Biyernes (November 9)
(Araneta Coliseum)
7 p.m. Phoenix vs Meralco

PAG-AAGAWAN ng Meralco Bolts at Phoenix Fuel Masters ang nalalabing semifinals berth sa kanilang 2018 PBA Governors’ Cup do-or-die quarterfinals game ngayong Biyernes ng gabi sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.

Maghaharap sa alas-7 ng gabi na knockout duel ang Fuel Masters at Bolts kung saan ang magwawagi ay makakapasok sa best-of-five semifinal round kontra Alaska Aces.

Nakahirit ang Meralco ng sudden-death game matapos tambakan ang Phoenix Fuel Masters, 90-74, noong Miyerkules.

Hindi naman magiging madali para sa Meralco, na tinapos ang elimination round sa ikapitong puwesto sa hawak na 5-6 record, ang makaulit kontra Phoenix, na tumapos bilang No. 2 seed sa tangang 8-3 kartada.

Sa kasaysayan ng liga, 101 sa 113 koponan na may the twice-to-beat advantage ang umabante sa sumunod na round.

Pipilitin ng Bolts na makapagtala ng kasaysayan sa pagiging isa sa mga koponang binalewala ang twice-to-beat na bentahe ng katunggali para makasama ang Aces, Magnolia Hotshots at Barangay Ginebra Gin Kings sa Final Four.

Aasahan naman muli ni Meralco head coach Norman Black ang matinding depensa mula sa kanyang koponan na nagawang manalo ng limang sunod na must-win game sa season-ending tournament.

Hindi naman nagkukumpiyansa si Black matapos ang naitalang panalo ng kanyang koponan noong Miyerkules sa pagsabi na kailangan pa nilang manalo muli ngayong Biyernes ng gabi para manatiling buhay ang tsansang makapasok sa ikatlong diretsong paglalaro sa Governors’ Cup Finals.

Inaasahan ni Black na reresbak ang Fuel Masters na asam makapasok sa semis sa unang pagkakataon sa kasaysayan ng kanilang prangkisa.

Read more...