Nang-iinsultong hukom inireklamo

MAY mga hukom na naninigaw, iniinsulto at
ipinahihiya ang mga litigants at maging mga abogado sa korte.

Baka nakakalimot ang mga judges na ito na puwede silang balikan ng kanilang panyero o
panyera.

Yan nga ang ginawa ng dalawang abogado kay Judge Susanna T. Baua, presiding judge ng Branch 31 ng Regional Trial Court ng Tagum City, Davao del Norte.

Sinampahan si Baua ng kasong administratibo sa Supreme Court nina
Pantaleon Alvarez at Eddie Tamondong, pawang mga practicing lawyers.

By the way, si Alvarez ay dating secretary ng transportation and communications at congressman ng Davao del Norte.

Sinabi nina Alvarez at Tamondong na:

“Pinatitigil ni Baua ang mga abogado na magsalita nang walang dahilan habang sila’y nagpiprisinta ng ebidensiya;

“Napaka-arogante, nag-aastang parang Diyos, bastos at mal-edukado;

“Palaging naninigaw, nang-iinsulto, pinagagalitan at ipinahihiya ang mga abogado, prosecutor, at testigo;

“Si Baua ay di karapat-dapat na maging hukom at kailangang masuri siya ng isang psychiatrist dahil baka may diperensiya siya sa pag-iisip.”

Wala raw araw na hindi naninigaw, nang-iinsulto at nanghihiya ng mga tao sa korte si Judge Baua, ani Alvarez at Tamondong.

Marami na raw na ibang abogado na nagsampa ng reklamo laban kay Judge Baua sa Integrated Bar of the Philippines (IBP).

Sinabi ng reklamo kay Baua sa IBP na “natutuwa siyang mang-bully, manghiya at magalit sa mga abogado na walang dahilan; palagi siyang galit; at may problema siyang personal.”

Ang kanyang personal na problema, sabi ng reklamo sa kanya sa IBP, ay ang kanyang “broken marriage” at “troubled family” na humantong sa pagsampa niya ng disbarment sa kanyang ama na isa ring abogado.

Kasalanan ng Judicial and Bar Council (JBC), na nagi-screen ng mga aplikante sa pagka-judge at justice, na maraming hukom na hindi karapat-dapat sa kanilang matayog na puwesto.

Hindi marunong mag-screen ng mga aplikante ang JBC.

Dapat ay pinasailalim ang aplikante ng pagka-judge o justice sa isang neuro-psychiatric test upang malaman kung may sira ito sa ulo.

Napag-alaman ng inyong lingkod na sa Court of Appeals, may isang justice na dapat ay i-confine sa National Mental Hospital sa halip na ginawang justice sa nasabing korte.

May isang taga-Davao Oriental na sumulat sa akin tungkol sa illegal logging activities sa nasabing probinsiya.

Mabuti raw, anya, na sinulat ko ang “ninong” at “ninang” ng ilegal na gawain.

“What you’ve written about (Governor) Corazon Malanyaon are true. Even the estafa cases filed against her in Davao City went down the drain leaving her creditors empty handed,” sabi ng aking source.

Bakit hindi raw kinakasuhan si Congressman Nelson Dayanghirang sa Ombudsman at Bureau of Internal Revenue (BIR)? tanong ng aking source.

Malaki ang mansion ni Dayanghirang sa Manay, Davao Oriental, meron daw siyang apartelle sa Davao City na pinangalanan na Homecrest.

Isang four-story building na pag-aari umano ni Dayanghirang ay pinatatayo sa Porras St. corner Palma Gil St. sa Davao City.

Siyanga naman: Bakit hindi usisain ng Ombudsman at BIR ang ari-arian nina Dayanghirang at Malanyaon?

Read more...