NAPAIYAK si Jolina Magdangal nang mag-guest sa Magandang Buhay ang matagal na nilang driver na si Tatay Orly Sebolino.
Nagkuwento ito kung paano siya natulungan ni Jolens para magkaroon ng sariling bahay.
Hindi napigilan ng TV host-actress ang mapaluha nang malaman kung gaano siya kamahal ni Tatay Orly.
Sa nasabing episode ng Kapamilya morning show, naikuwento ng asawa ni Orly ang isang pagkakataong mas pinili nitong samahan si Jolens kesa umuwi sa Cebu para maka-bonding ang kanyang pamilya. Dito na naging emosyonal si Jolens.
“Kasi nakailang kasambahay na ako, hindi ko mabigay talaga yung tiwala ko, yung kakayahan kong intindihin, pero si Orly, nagpaiba-iba na kami ng kasambahay, alam niya kung ano pakiramdam ko, alam niya kung paano ako titimplahin.
“Kaya minsan pag may bago kaming kasambahay, siya na nagte-train,” pahayag ni Jolina.
“Natutuwa ako sa sinabi mo (asawa ni Orly) ngayon ko lang narinig yan, na may ganyang rason siya,” dugtong pa nito.
Sa huli, bilang pasasalamat, sinagot na ni Jolina ang pamasahe at pocket money ng pamilya ni Orly papuntang Cebu para mabisita ang kanilang pamilya doon.
“Ito ay pagbibigay halaga sa pagbibigay mo sa akin ng halaga. Ibinabalik ko lang ang loyalty mo sa akin at asahan mo na ang pamilya mo – promise ito, Orly, kahit anong mangyari, pamilya mo, pamilya ko, isang pamilya tayo. Salamat sa lahat ng pagmamahal at tulong mo sa akin,” naiiyak pang sabi ni Jolens.