MAY mga panahong literal na kinatatakutan ang pagbibiyahe sa mga karagatan. Sunod-sunod kasi noon ang mga kaso ng pamimirata ng mga bandidong grupo.
Kilalang numero uno sa buong mundo na Pilipinas ang pinagkukunan ng mga marino. Kaya naman palaging maririnig natin na walang barkong naglalayag na imposibleng walang Pilipino.
At totoo naman ito. Palaging may Pinoy seafarer na nasa mga karagatan sa araw-araw na patuloy na gumaganap sa kanilang mabibigat na mga tungkulin sa barko. Maging kapitan man, opisyal at mga miyembro ng bumubuo ng kanilang crew.
Kaya lang sa pagtatapos ng 2018, muling kinatatakutan ang karagatan ngayon. Ito ay dahil sa lumalalang tensyon na naman sa mga karagatan. Ang malaking takot nila sa muling pag-atake at mas pinaigting pang pagsalakay ng mga pirata.
Ayon sa pag-aaral ng Sailors’ Society’s Crisis Response Network, nasa 25 porsiyento ng mga humihingi ng tulong sa kanilang organisasyon ang biktima ng piracy attacks.
At dahil dito, napansing lumulubha ang pagkaramdam ng takot sa hanay ng mga marino, dahil nga naman alam nilang nakataya ang kanilang nag-iisang buhay sa bawat biyahe ng kanilang mga barko.
Gayong may mga probisyon na maaari silang tumanggi kung dadaan sa mga karagatang madalas nangyayari ang mga pamimirata ngunit takot din naman silang gawin iyon.
Sa halip na kumita sa kanilang pagbabarko, baka matalo pa sila dahil sa mga gastusin tulad ng bibili ang marino ng sariling ticket ng eroplano pabalik ng Pilipinas at hindi nito tatapusin ang kontrata.
Mas takot silang hindi na makasakay muli ng barko kung tatanggi silang dumaan sa mga tinaguriang pirate hotspots sa mundo.
Nito lamang nakalipas na anim na buwan ng 2018, nakapagtala ng 107 aktuwal na mga pag-atake ng mga pirata.
Bukod sa piracy, naiulat ding 59 na porsiyento ng mga reklamo ay pawang konektado sa mga pagkamatay at abandonment ng mga barko.
Hindi nga maikakailang ito ang lumalalang problema ng ating mga seafarer. Nakahantad sila sa labis na kaigtingan dahil sa pangambang maisapanganib ang kanilang mga buhay.
Mahirap din ang kalagayan na nabubuhay sa takot. Matutulog at magigising na natatakot. Hindi na normal iyon at maaari pang magdulot ng masamang epekto hindi lamang sa mga marino kundi pati na rin sa mga kapamilyang naiiwan sa Pilipinas.
Mahirap din lalo ito sa mga mahal sa buhay na palagi na lang nag-aalala sa kalagayan ng marinong naglalayag sa karagatan.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM(M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziqHelpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/susankbantayocw@yahoo.com