Pahirapang pagkuha ng fare matrix

PARANG may mali.

Hiningi ang Freedom of Information para mas maging madali ang pagkuha ng impormasyon sa mga ahensya ng gobyerno. Meron kasing mga ahensya na mahirap kuhanan ng impormasyon, parang may itinatago.

Tama, di ba?

Pero anong nangyari? Bakit humarap yata lalo ang pagkuha ng impormasyon sa mga istasyon ng pulisya.

Isa sa mga unang inilabas na utos ni Pangulong Duterte nang siya ay umupo ang Executive Order 2 para sa pagpapatupad ng FOI program. Hulyo 2016 ito pinirmahan ng Pangulo.

Kamakailan (matapos ang dalawang taon) ay bumaba na sa mga police station ang guidelines para sa pagpapatupad ng FOI.

Hindi na itinatrato na isang public record ang blotter.

Ang pagkakaintindi ko sa paliwanag sa akin, para makakuha ka ng impormasyon ay may susundan kang proseso na magsisimula sa paghahain ng application form kaugnay ng kukunin mong impormasyon.

Ang approving authority ay mayroong 15 araw para aprubahan ang request.

Parang mas madali pa dati na kumuha ng police report. Pag-uwi mo dala mo na ang police report.

Ngayon kapag nagkasakit ‘yung approving authority, mamumuti ka sa paghihintay na sabayan mo na rin ng dasal na gumaling na siya at makapasok.

Para sa mga media man, magiging pahirap ito dahil ubos-oras. Kapag minalas ka ay bulok na ang istorya bago mo makuha ang detalyeng kailangan mo. Hindi mo naman pwedeng hulaan kung ano ang nangyari.

Ano raw ba meron sa blotter at kailangan itong higpitan? Hindi naman siguro ‘yun gagamitin bilang listahan ng intelhensya.

O baka naman mali ang pagkakaintindi ko sa paliwanag sa akin, o ang pagkakapaliwanag sa nakausap ko.

Umaangal ang mga driver ng pampasaherong jeepney. Bago makapaningil ng mas mataas na pasahe ay pinapahirapan pa sila sa pagpila para makakuha ng fare guide o fare matrix sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board.

At bukod dito ay pinagbabayad pa sila ng P610 para sa kapirasong papel na magsisilbing guide ng pasahero para malaman kung magkano ang bagong singil.

Kapag tumaas ang pasahe ay kailangan nila itong gawin.

Kapag mayroong bawas sa pamasahe, hindi na kailangan ng bagong fare matrix para ibaba ang singil. Bawas agad.

Hirit ng isang driver na nabagot na sa kakapila, pwede daw bang i-refund ang ibinayad niya kapag ibinaba ng LTFRB ang singil?

Read more...