SABAY-SABAY ang mga liga ngayon at siyempre pa nangunguna ang mga pukpukan sa basketbol at volleyball.
Hindi maitatanggi na dahil kina Alyssa, Iya, Sissy, Jia, Rachel, Shang, Dzi, Nicole, Dindin, Bea, Maddie, Kim Kianna, Majoy, Cha, atbp ay mas malakas ang hatak ng mga kababaihan sa volleyball.
Kung may PSL at PVL sa volleyball ay lalo pang nakalilito ang mga ligang pang-basketbol. Alam na ng lahat na nandiyan ang UAAP at NCAA ngunit marami pang ligang pang-kolehiyo ang mapapanood. Syempre, andyan pa rin ang PBA at ang MPBL.
Ito ang problema. Dahil sa dami ng liga ay nagsulputan na parang mga kabute ang mga analyst, commentator, reporter, atbp na kahit itanong mo sa dakilang si Joe Cantada ay kulang sa kaalaman at hindi alam kung ano ang mga sinasabi. Ibig sabihin, mababaw ang mga pananaw.
Kasalanan rin naman ito ng management sapagkat hindi nila sinuri ang mga kakayahan ng kanilang mga isinasalang sa telebisyon. O baka naman wala kasing “choice.”
Sabi nga ng isang kasamahan ko sa trabaho: Pogeeh na, tangah pa! Wala na akong mahihiling pa!
Nyahahahaha!
Go For Gold-Larga Pilipinas patok
Malaking tagumpay ang Go for Gold Larga Pilipinas EDSA-C-5 Blitz Races na nilahukan ng hindi kukulangin sa 10,000 siklista na sumali sa 11 kategorya at ang tinaguriang Fun Ride.
Patunay ang nakuhang atensyon ng Larga Pilipinas na buhay na buhay ang cycling sa bansa. Gumawa ng kasaysayan ang padyakan sapagkat ginawa ito sa EDSA.
Suportado ng PCSO Scratch It, Koten Enterprises, Nickel Asia Corporation, Excellent Noodles, Standard Insurance, Emperador Brandy, Juicy Lemon, Mother’s Best, Black Mamba, Boy Kanin, Aerox Quezon City Club, Versa.ph, Uratex Foam, MMDA at PhilCyclingang padyakan.
Sabi ni technical consultant Atty. Froi Dayco hindi ordinaryong karera ang nangyari sapagkat ginawa ang 24.8 kilometrong padyakan sa EDSA, C-5,White Plains Drive sa Quezon City at JP Rizal Street sa Makati.
Nagsipagwagi sina Aidan James Mendoza (Professional/Elite), Call Center guru Fred Chua (Corporate Executives), Albert Primero (Masters), Manuel Reynante (Managers) at Athena Marana (Womens).
Triathletes/Duathles champion si Jarwyn Banatao at numero uno rin sina Lorenzo Rellosa (Amateurs), John Carlo Garol (Under-21) at John Carl Reynante (Fixed Gear).
Ayon kay media bureau chief Snow Badua, nais ng Larga Pilipinas na iparating sa mga opisyal ng pamahalaan ang kahalagahan ng bike lanes sa Metro Manila.
“When we held the race, may iba natakot, may iba kinabahan lalong lalo na yung mga hindi kasali,” sabi ni Badua. “But worry not, kasi well-coordinated po ‘yan sa MMDA, HPG at kahit sa PNP. The reason why natakot ang iba with the mere sight of seeing bikers in EDSA is because hindi tayo sanay na may mga nagba-bike sa EDSA at yan ang isa sa kulang sa ating bansa.”
Korek ka dyan Snow!
Huwarang public servant
Isang maligayang pagbati kay Ms. Estela O. Nimedez, Chief, Horse Racing Betting Supervision Division, sa kanyang wagas na paglilingkod sa Games and Amusement Board sa kabuuang 45 taon. Makahulugan ang pagdiriwang ng kanyang kaarawan noong Oktubre 29.
Ang pagbati ay mula sa kanyang mga kasama sa ahensiya, sa pangunguna ni GAB Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra at Commissioners Eduard Trinidad at Mar Masanguid.
Kung ang lahat ng kawani ng gobyerno ay tulad ni Ms. Nimedez, siguradong magtatagumpay sa serbisyo ang isang sangay na tulad ng GAB.
Saludo ang Peks Man kay Tita Estela!