LTFRB inulan ng batikos dahil sa aberya sa fare matrix

INULAN ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng mga batikos dahil sa  aberyang dulot ng proseso sa pagkuha ng fare matrix para sa bagong P10 minimum fare. 

Sinabi ni LTFRB chairman Martin Delgra na pag-aaralan kung paano maaayos ang pagkuha ng fare matrix, bagamat iginiit na inabutan na lamang nila ang sistema ng paniningil sa mga operator at driver na kumukuha ng fare matrix.

“We inherited that already that’s why even I will have to look into it, will make a review on the matter,” ani Delgra.

Dahil holiday noong Nobyembre 2, ang unang araw ng pagpapatupad ng P10 minimum fare sa National Capital Region, dumagsa ang mga driver at operator sa tanggapan ng LTFRB-NCR noong Lunes na nagresulta sa mahabang pila.

Inaangalan din ang bayad sa fare matrix na nagkakahalaga ng P610—P520 Increase of Fare, P50 kopya ng fare matrix at P40 franchise verification fee.

Sinabi ni George San Mateo ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide, na walang bayad dati ang fare matrix. Ipinapa-xerox lamang umano ang fare matrix.

Nagsimula umano ang LTFRB na magbigay ng original fare matrix at maninigil sa bawat jeepney noong Arroyo administration.

“Biro mo ang purpose lang naman niyan ay guide sa pasahero para alam nila na magkano ‘yung dapat nilang babayaran. Eh ginawa pang komplikado ng LTFRB na hanggang ngayon nananatili ‘yang ganyang sistema,” ani San Mateo.

Ang mga driver na maniningil ng bagong pasahe kahit walang fare matrix ay magmumulta ng P5,000 hanggang P15,000.

Read more...