Propesor may mga reklamo sa ‘Probinsyano’ ni Coco: Ang tagal-tagal ng commercial!

KAILANGANG pakinggan ng produksiyon ang karaniwang sinasabi ng mga regular na tumututok sa FPJ’s Ang Probinsyano. Napapansin nila na parang lastiko nang hinihila-hila ang kuwento ng serye.
Pakiramdam ng ating mga kababayan ay binabatak na lang ang mga eksena para humaba, puro close-up shots ng mga artista ang palaging nangyayari, para lang mairaos ang isang sequence.
Sabi ng kaibigan naming propesor na gabi-gabing sumusubaybay sa pinagbibidahang serye ni Coco Martin, “Napansin ko lang lately na super-dami na ngang commercials, e, may mga house ads pa sila. Napakatagal ng isang commercial gap ng Ang Probinsyano.
“Nakapag-CR ka na, nakapagtimpla ka na ng kape, patalastas pa rin! Ang haba-haba, paulit-ulit din ang mga house teasers nila. Sana naman, e, ang mga eksena ang habaan nila, huwag sana nilang binibitin ang mga nanonood,” pakiusap ni prop.
Sa mga eksenang aksiyon ay walang makapagrereklamo sa serye, bigay na bigay ang kanilang mga eksena, gigil na gigil ang mga kababayan natin kina Edu Manzano at General Terante.
“In fairness, parang sa pelikula na ang mga eksena sa Ang Probonsyano, ratratan kung ratratan sila, panalo ang televiewers sa mga action scenes nila,” pagbawi ni prop.

Read more...