P25 wage hike mauubos lamang sa fare hike

NITONG nakalipas na linggo, umugong na tanging P25 kada araw na dagdag sa minimum wage ang inaprubahan ng regional wage board dito sa National Capital Region (NCR), bagamat hindi pa ito kinukumpirma ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Naglabas ng reaksyon ang Malacañang kaugnay nito, kung saan sinabi nito na hindi pa ito opisyal dahil ang pinagmulan lamang nito ay ilang labor groups.

Iginiit pa ni Presidential Spokesperson at Chied Presidential Legal Counsel Salvador Panelo na dapat hintayin na lamang ang opisyal na pahayag ng DOLE.

Bakit nag-aatubili ang DOLE na ihayag ang desisyon kung sakaling totoo nga ang P25 na dagdag-sahod sa mga mininum wage earners?

Alam kasi nito na walang masisiyahan sa kakarampot na umento sa sahod.

Bago pa man kasi opisyal na ihayag ang wage hike, naunang inanunsiyo ng LTFRB na epektibo na ang P10 minimum fare simula noong Biyernes para sa mga jeepney na nakakuha na ng bagong fare matrix.

Hindi ba’t katawa-tawa na kung totoo nga ang P25 umento sa sahod, hindi pa man ay bawas na ito para sa pagtataas ng pamasahe.

Ang mangyayari, mapupunta lamang ang dagdag-sahod para sa fare hike.

Kung tutuusin, bukod sa fare hike, inaasahan din ang epekto nito sa presyo ng mga bilihin kayat sa pangkalahatan, talo pa ang mga empleyado sa ibibigay na dagdag-sahod.

Dati na ring sinabi ng bagong tagapagsalita ng Malacañang na walang magagawa ang gobyerno hinggil sa fare hike, bagamat sinabing inaasahang pansamantala lamang ito dahil may ginagawa naman ang gobyerno para masolusyunan ang walang humpay na pagtaas ng mga bilihin at pamasahe.

May pahayag pa si Panelo na P10 lang naman ang bagong minimum fare.

Madaling sabihin ni Panelo na P10 lamang ang pamasahe dahil hindi naman niya naranasang mag-dyip at hindi rin iniinda ang patuloy na pagtaas ng mga bilihin dahil sa laki ng sahod sa gobyerno.

Bukod sa fare hike sa jeepney at bus, nakaamba na rin ang fare hike sa tricycle at UV Express.
Para sa mga ordinaryong manggagawa sa pribado sektor at maging ang mga empleyado ng gobyerno, napakahalaga ng kada sentimo kayat kahit piso pa o 50 sentimos ang dagdag-pasahe napakalaking kabawasan na ito sa kanilang kakarampot na kinikita.

Dapat ay maging maingat din ang mga opisyal ng gobyerno sa kanilang komento dahil pagpapakita ito ng pagiging insensitive sa kalagayan ng mayorya ng mga Pinoy.

Nangyayari ang kaliwa’t kanang pagtataas ng mga bilihin at pasahe habang papalapit naman ang Kapaskuhan.

Walang magagawa ang mga Pinoy kundi magtiis sa kabiguan ng gobyerno na makahinga ng maluwag ang mamamayan.

Buhay Pinoy nga naman.

Read more...