Sana ipalabas ulit sa mga sinehan ang pelikulang “The Maid In London” ni Andi Eigenmann para naman malaman at ma-appreciate ng mga kababayan natin kung bakit siya nanalong Best Actress sa katatapos lang na 8th International Film Festival Manhattan.
Pinanood namin ang trailer nito sa YouTube at ilegal pala ang pagpunta niya ng London dahil TNT o tago ng tago ang karakter niya bilang kasambahay. Asawa niya sa movie si Matt Evans na bukod sa sariling pamilya ay binubuhay din ang mga magulang kaya kinailangan niyang mangibang-bansa.
Hindi nagtagal sa mga sinehan ang pelikula ni Andi dahil walang masyadong nanood. Kahit kami ay walang ideya tungkol dito.
Anyway, mukhang nawiwili yata si Andi sa karakter na kasambahay dahil ito rin ang papel niya sa suspense-horror film na “All Souls Night” na palabas na ngayon sa mga sinehan mula sa Viva Films at Aliud Entertainment.
Ayon sa takilyera ng Gateway Cinema ay, “Okey-okey naman po,” ang pasok ng tao nang magbukas ito nitong Okt. 31. Kaya siguro “okey-okey” ay dahil nasanay ang mga takilyera na puno lagi ang mga sinehan nu’ng ipalabas ang “The Hows Of Us” at “Exes Baggage” na hanggang ngayon ay palabas pa rin.
Abala kasi ang mga tao sa paggunita ng Araw ng mga Patay kaya feeling namin ay hahataw ang “All Souls Night” ngayong weekend na idinirek nina Aloy Adlawan at Jules Katanyag.
Napanood na namin ang pelikula at talagang napapatakip kami ng mata kapag kakaiba na ang tunog dahil tiyak na may mangyayaring kakila-kilabot na sasabayan pa ng sigawan ng mga nasa sinehan.