Rico may itinanong sa anak bago pumanaw

RICO J. PUNO

FOREVER naming maaalala si Coriks o Rico J. Puno bilang personalidad na nagregalo ng unang aircon sa amin way back in 1989.

Magkasama kami noon sa isang bonggang show (pre-Valentine show for Mata ng Bayan Foundation) na ipinrodyus ng isa sa mga mentors namin sa showbiz, ang yumao na ring si Ate Luds (Inday Badiday).

Kulay-lupa kasi kami noong mga time na madalas kaming gawing “ghost singer” ng noo’y mga bagets stars (nu’ng takot pa silang mag-live at in na in ang pagli-lip sync). Sa isa naming recording session, inaalaska na niya ang kaitiman namin kaya’t nag-pramis siya na kapag naging successful ang aming show, bibigyan niya kami ng aircon unit dahil nakakatulong daw yun magpakinis at magpaputi ng kutis.

“Totoong OPM na birthday gift ko sa iyo, pero ibalik mo rin sa birthday ko,” ang pang-aalaska pa niya sa amin dahil pareho kaming February-born (12 ako, 13 naman siya). Back then, ang ideya lang namin ng OPM ay Original Pilipino Music, at hindi yung “Oh, Promise Me” na sinasabi kapag may ipinapangako kang something sa kausap mo.

Tinupad niya ang kanyang pangako dahil a few days after the show, ipinadala niya ang aircon sa opisina noon nina Ate Luds sa Tomas Morato (Loca-Lobo Productions) na may simpleng birthday note na, “Para pumusyaw naman ang balat mo at iba na lang ibalik mo na pa-birthday ko.”

Since then and until 2015 nu’ng maging guest siya sa isa naming show sa Manila ay hindi na namin mabilang kung ilang beses na niya kaming pinatawa at inokray, kasama na ang isyu sa aming lovelife. Yung running joke niya sa amin na okey lang kaltasan pa namin ang TF niya basta raw may mapasaya kaming “menchu” (read: lalaki) ay siguradong mami-miss namin.

Ang dami-dami pa naming puwedeng ikuwento to describe Rico J, his being a generous person, kind and loving at maalaga sa mga katrabaho.

Kanyang-kanya lang ang lisensya ng pagiging “naughty” o “bastos pero maginoo” lalo na kapag nasa entablado. And to his co-workers and friends, siya lang din ang may lakas ng loob na okrayin ang mga personalidad na may samaan ng loob o “silent war”, na either nauuwi sa mas malalang away o kaya’y pagbabati.

Kapag napapanood natin sa Tawag Ng Tanghalan ng It’s Showtime si Coriks bilang hurado, madalas na laman ng biruan ang kanyang lagay at kalusugan, pero hindi siya kailanman na-offend o na-hurt, sa katunayan nagagawa pa rin niya itong katatawanan na bentang-benta sa manonood.

Hay, nakakalungkot lang talaga na sa edad na 65 ay hindi na kinaya ng sistema ng katawan ni Coriks ang kayang mga sakit (heart problem at diabetes).

Kuwento nga ng anak niyang si Tosca sa interview ng ABS-CBN, “Alam niyo po ba noong nandoon kami sa St. Luke’s, you know what his question was? ‘Kailan ‘yong station ID shoot?'”

“Sabi ko, ‘Pa, malayo pa ‘yon, we have time to rest. Alam mo, papa, rest ka muna. Malayo pa ‘yon, palakas ka muna.’ He loves music, he loves performing. Kahit bawalan mo, sige, try niyo lang ho,” dagdag pa ni Tosca.

Hanggang ngayon ay nagluluksa pa rin ang showbiz industry dahil sa pagkawala ng isa na namang icon na masasabing isang tunay na alagad ng sining, a total entertainer, an OPM Legend and a true friend. Von voyage to eternal Peace Coriks. We love you!

Read more...