Boracay rehab tama ang infra

ISA ako sa pinalad na makapasok sa Boracay nang muli itong buksan sa publiko.

Mahigpit na ang pagpasok, kailangan muna magrehistro ng pangalan sa Caticlan port at magpakita ng confirmed booking bago papasukin ang tursita.

Pagdating sa isla sakay ng isang bangka, agad makikita ang kaibahan ng puerto sa Boracay, maayos na, napaganda na ang pantalan.

Subalit ang mga kalye ay hindi pa tapos. Maganda na ang Bolabog Blvd. sa Bolabog Bay subalit napapaligiran ito ng mga giniba na mga bahay.

Ayon sa mga residente ng Boracay, marami sa mga apektadong gusali ay iligal o sobra sa takdang lugar nila.

Mahigpit ang pamahalaan sa pagpapatupad ng infra projects. Inilatag na nila ang circumferential highway na umiikot sa loob ng isla at ang sewage system ay patuloy na inaayos.

Para sa akin ay tama ang direksiyon ng rehab ng Boracay base sa nakita ko. Maliban sa lansangan ay nagtayo din sila ng mga PUV stops at nag-atas ng sistema ng public transport.

Sana lang, imbes na hinigpitan lang ang prangkisa ng e-trike at PUV, inayos na ito ng isang sistema ng transport dispatch system kung saan may takdang oras ang biyahe ng mga PUV.

Maganda din ang side streets at maayos na ito, hindi umaabot sa buhangin at pinipilit ang mga tao na maglakad.

Subalit may room for improvement. Kailangan na tulungan ng pamahalaan ang mga mayari ng gusali ng giniba dahil sa rehab. Baka wala ng pera pangayos ang mga ito matapos ang amin na buwang walang operasyon at kita.

Kailangan din na isaayos ang information drive para sa kaligtasan at kalusugan ng isla ng Boracay.

Sa Maui, Hawaii, isang 30-minute audio-visual presentation ang kailangan panoorin ng mga bisita bago sila makapasok.

Obligado din silang sundin ang mga patakaran sa pamamagitan ng pagpirma sa isang kontrata. Ang paglabag ay kahihinatnan ng pagpapalis sa isla.

Sa ngayon ay maganda na ang nasimulan sa Boracay at nasa tama ng direksiyon na ito. Kailangan na lamang na ipagpatuloy ito at sana ay dalhin sa tamang conclusion.

Para sa komento at suhestiyon sumulat lamang sa irie.panganiban@gmail.com o sa inquirerbandera2016@gmail.com.

Read more...