Opisyal na may konek raw sa Maute sinisilip
NGAYONG sisimulan na ang rehabilitasyon sa Marawi City ay marami rin ang nagtutulak na isabay na rito ang imbestigasyon kung bakit napasok sa lungsod ang mga miyembro ng Maute at Abu Sayyaf Group.
Gusto ng ilang mga miyembro ng security cluster ng pangulo alamin rin kung sinu-sino ang mga opisyal ng pamahalaan na nagpabaya sa kanilang trabaho.
Pero mas gusto ng grupo na alamin kung mayroon ba silang mga kasabwat sa nasabing pananakop sa lungsod.
Duda ang ilang tauhan ng militar sa ikinikilos ng isang opisyal ng pamahalaan na noon pa nila pinagdududahang supporter ng mga terorista.
Pati ang ilang mamamahayag ay napansin noong mga unang araw ng Marawi siege ang pagharang ng opisyal sa mga dagdag na tropa na ipinadala sa lungsod.
Imbes na sumama sa mga grupong kumukondena sa mga terorista ay mas pinili ng opisyal na ating tinutukoy na manahimik na lang, na siyang lalong nagpalakas sa mga hinala na baka nga supporter ito ng Maute group.
Marami rin ang nakapansin sa kanyang mga kapwa opisyal na tila alam ng opisyal ang gagawing pananakop ng mga terorista dahil nailayo muna niya ang kanyang pamilya bago pumutok ang gulo.
Ilan lang yan sa mga bagay na sinisilip ngayon ng mga otoridad na posibleng pagmulan ng gagawing imbestigasyon.
May mga nagsasabi naman sa paligid ng pangulo na isailalim rin sa lifestyle check ang official.
Ang opisyal ng pamahalaan na pinagdududahang tagasuporta ng mga teroristang sumalakay sa Marawi City ay si Mr. G….as in Gangnam.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.