Drug ops, inihinto

MAPALAD ang nagluluksa sapagkat may ginhawang nakalaan. Iyan ang Pagninilay sa Ebanghelyo (Pag 7:2-4, 9-14; Sal 24:1-6; 1 Jn 3:1-3; Mt 5:1-12) sa Dakilang Kapistahan ng Lahat ng mga Banal.

Walang suwerte o itinadhana. Ang kinasadlakan, o narating, ay pinili ng bawat isa, mayaman o mahirap. Ito ang pagbubukas-isipan ng bokasyong sick and the dying (bahagi ng corporal works of mercy) sa maysakit o malapit nang mamatay. Isang butu’t balat na ka-Bandera ang tumanggap ng Gawa ng Awa sa pagamutan noong Set. 25. Namatay siya Okt. 16.

Minsan lang siyang nagsimba at ‘di niya ito matandaan. Ito’y noong bininyagan siya.
Nang unti-unting maalis ang poot sa mga kaaway sa kanyang puso, tinanggap niya ang parating na huling araw sa mundo. Nangilid, tumulo ang luha. Nabatid niya ang panalangin sa Oras ng Awa at ang Chaplet ng Banal na Awa.

Ang susunod sana’y mga panalangin sa mga tao na nakasakit sa kanya, pero ‘di na ito naisagawa. Nanatili ang mga dasal sa kanya. Nagdusa’t nagtiis siya sa labis na hapdi ng sakit ng dalawang uri ng cancer. Maaaring katapat ito, o higit pa, sa parusang dinanas ni Kristo, ang tao. Maaaring kabayaran na rin ng kanyang mga sala. Namatay siya alas-3 ng hapon, ang oras ng pagyao ni Jesus sa Bungo.

Sa talaarawan ni Santa Faustina, tayo ay hinihikayat na yayain ang buhay na kaluluwa na lumapit sa Banal na Awa; at ang kaluluwa ng patay na ipanalangin nang walang patid para makaalis sa purgatoryo. Ang All Saints’ Day (solemnity) ay para sa kaluluwa ng mga banal at nagpapakabanal. Ang All Souls’ Day ay paggunita (memorial) sa mga kaluluwa ng mga yumao. Nakalulungkot na may mga hindi naniniwala sa mga kaluluwa, pumanaw na magulang man nila o kapatid, o mismong ang kaluluwa ng kanilang sarili.

Tagumpay si US President Roosevelt na hikayatin ang bawat Kano na lumaban sa gera, kaya natalo ang kaaway. Nakamit ni Pangulong Duterte ang suporta ng taumbayan (82%) sa gera kontra droga, pero di pa rin siya tagumpay. Nanlupaypay ang operasyon ng mga pulis sa North Metro Manila nang mabuyangyang ang sabwatang Customs-PDEA para bahain ng shabu ang bansa.

Ayon sa pulis-Meycauyan (Bulacan), ang bumabahang shabu sa kanila sanlinggo bago Undas ay nagmula sa Bagong Silang, North Caloocan. Walang operasyon kontra shabu sa Bagong Silang, ang pinakamalaking barangay sa bansa, na kamakailan ay dinalaw ni Bong Go. Sino nga naman ang makapipigil sa baha (droga), lalo pa’t buhat ito sa mataas na Sierra Madre (Customs-PDEA)?

Isa pang dahilan kung bakit ‘di na itinuloy ang pagpapatala ng Motor party-list ay nanghingi ng “down” ang isang taga-Palacio del Gobernador na P10 milyon. Saan naman kukunin ng mahihirap na riders at may-ari ng MC repair shops ang “down” na iyan? At mas malaki pa raw, kapag nais na manalo. Tama yata na patayin na lang ng RIT ang mga tiwali sa gobyerno; yan din naman ang utos ni Digong.

UST (Usaping Senior sa Talakayan, sa Mag-asawang Sapa, Santa, Maria, Bulacan): Kung kailan tumanda (senior), saka pa nambabae (o nanlalaki). Sa hanay ng senior citizens, nangyayari rin ang pagkakasala sa laman. Sa Biblia, ang baog na matanda ay sumisigla at nagkakaanak, kahit sa kanyang alipin. Ang wagas na pagmamahalan nina lolo’t lola ay sinisira rin ng pangangalunya.

PAGBABAHAGI sa NilaYan (Nilay-ugnayan sa King Kabayo, San Miguel, Bulacan): Ang magkakaibigan ay sabay na humahalakhak sa tuwa, sabay na lumuluha sa lungkot. Ang pagkakaibigan ay malakas kapag kapwa mahirap. Di napapatid ang bigkis kung sabay na nagdarasal at nagdurusa laban sa kasalanan. Napakahirap kamtin, ngayon, dahil pinagsasalunan ang alak at droga.

PANALANGIN: Dona nobis pacem.

MULA sa bayan (0916-5401958): Sayang, di na itinuloy ang Motor party-list. Sana, may boses na ang habal-habal sa Batasan. …9877, San Vicente, Bislig City

Tagasubaybay kami ng Motor sa Bandera. Dapat durugin na ng Lost Command ang Comelec diyan sa inyo. Kung ganyan ang Comelec, mas anghel pa pala ang Abu Sayyaf. …5401, Bagumbayan, Kauswagan, Lanao Norte

Read more...