‘Bugbugan’ nina Jean at Valerie sa Ika-5 Utos may 10M views na sa YouTube

JEAN GARCIA AT VALERIE CONCEPCION

Talagang kaabang-abang ang bawat tagpo sa Kapuso drama series na Ika-5 Utos. Mula nang umere ito sa GMA Afternoon Prime ay tuluy-tuloy ang paghataw nito sa ratings game.

Palagi rin itong nasa top trending topic sa social media dahil sa mga pasabog na eksena ng mga bida at kontrabida.

Alam n’yo ba na ang eksena kung saan natuklasan ni Eloisa (Jean Garcia) ang pagtataksil nina Clarisse (Valerie Concepcion) at Randy (Neil Ryan-Sese) ay umabot na sa 10 million views sa YouTube?

Grabe naman kasi ang sabunutan at bugbugan scene na ‘yun nina Jean at Valerie sa isang beach resort, talagang narmarka ito sa mga manonood kaya naman mula noon ay hindi na sila bumitiw sa pagtutok sa Ika-5 Utos.

Sa pagpapatuloy ng kuwento, kasalukuyan nang tinutugis ng mga pulis ang anak ni Kelly (Gelli de Belen) na si Carlo (Jake Vargas) dahil sa pagpaslang nito kay Leo (Kiko Estrada) nang gawin nila ang hazing kasama ang kanyang barkada.

Napapanood pa rin ang Ika-5 Utos sa GMA Afternoon Prime. Kasama rin dito sina Tonton Gutierrez, Jeric Gonzales, Inah de Belen, Antonio Aquitania, Migo Adecer at marami pang iba.

Read more...