Hinding-hindi malilimutan ng Kapamilya actor na si Joshua Garcia ang naging experience sa multo noong nasa high school pa lang siya.
“Overnight ‘yun eh, tapos tanda ko sumasayaw-sayaw kami sa school CR. Tapos biglang may sumilip na ganu’n. ‘Di ba yung CR eto yung pader, du’n may sumilip,” kuwento ni Joshua sa panayam ng ABS-CBN.
“Ano siya maputla, sobrang pale niya. Takbuhan talaga kami ng mga kaklase ko,” pag-alala ng binata.
Bukod dito, nagpakita rin daw sa kanya at sa mga kaibigan ang multo ng isang girl scout student.
“Grade four naman ako sa likod ng classroom namin uwian na. Naka-girl scout na suot tapos duguan tapos hinawakan siya sa ganito. Pagtingin niya nanigas daw siya bigla tapos umiyak na siya. Grade 4 lang kami noon. Ang babata pa namin, takbuhan kami sa classroom,” kuwento pa ni Joshua.
Ayon sa binatang aktor, kahit bata pa siya nu’ng magpakita ang white lady at multo ng girl scout sa kanya, hanggang ngayon ay hindi pa rin niya ito nalilimutan.
Hindi rin daw niya alam kung bakit sa kanilang magkakaibigan nagparamdam ang mga ito.