Coach Louie at Charlie Dy | Bandera

Coach Louie at Charlie Dy

Dennis Eroa |October 31,2018
facebook
share this

Coach Louie at Charlie Dy

Dennis Eroa - October 31, 2018 - 12:15 AM

KUNG basketbol ang pag-uusapan, hindi nahuhuli sa usapan sina Phoenix Petroleum coach Louie Alas at star maker Charlie Dy.
Hindi lingid sa lahat na malaking bahagi ng buhay nina Louie at Charlie ang basketbol. At kung hindi po ninyo alam, ay kapwa sila naging bahagi ng makulay na mundo ng Adamson basketbol.
Dahil sa sipag at tiyaga, malayo na ang narating ni Louie tulad ng kapwa-Quezonian coach na si Leo Austria ng San Miguel Beer.
Hindi naging madali ang pag-akyat ni Louie sa itaas ng basketbol (siyempre pa kailangan pa rin niyang makakuha ng kampeonato sa PBA) ngunit sa aking pagkakilala sa pride ng Unisan, Quezon ay mahusay siyang mag-alaga at kinikilala niya ang kakayahan ng kanyang mga manlalaro, baguhan man o beterano.
Si Louie kasi ang tipo ng coach na madaling pakisamahan ngunit nananatiling may hangganan ang pagiging kaibigan kung pag-uusapan ang disiplina at pagsunod sa kinauukulan.
Malinaw na alam ni coach Louie kung paano kukunin ang kiliti ng kanyang mga manlalaro. Huwag na tayong magpaligoy-ligoy sapagkat hindi na sikreto na ‘‘napatino’’ ni coach Louie ang ‘‘halimaw’’ na si Calvin Abueva.
Resulta: Maganda ang tinatakbo ng Phoenix sa ilalim ni Louie kumpara noong panahon ni Ariel Vanguardia.
Minsan na ring naging coach ng Adamson si Charlie ngunit mas lalo siyang nakilala dahil sa kanyang napakahusay na pag-ayuda sa “career” ng mga atleta.
Isang pagtutuwid: hindi lamang nakatuon sa mga basketbolista ang 55-taong gulang na si Charlie.
Siya ang malaking dahilan sa pagbuo ng Virtual Playground na isang sports at celebrity management agency.
Siyempre pa, hindi mawawala ang basketball (Jimmy Alapag atbp, etc.), volleyball (Mika Reyes, Marck Espejo etc.), MMA (Brandon Vera), swimming (Miguel Barlisan, Nikki Pamintuan etc.), badminton (Marigold Carrillo) at iba pang mga atleta.
Kabilang din sa Virtual Playground ang mga singer at artista na sina Krystal Brimner, Johnvic De Guzman, atbp, at nasa eksena rin ng Asean Basketball League, Hoop Battle at atbp ang Virtual Playground.
Isa rin sa may-ari ng Alab Pilipinas si Charlie na tumatayo ring General Manager ng koponan.
Tahimik lang si Charlie ngunit masisilip sa kanya ang pagnanais na ilagay sa tamang lugar ang mga nasa ilalim ng Virtual Playground. Sa aking palagay ang tagumpay ni Charlie ay dahil na rin sa kanyang kagustuhan na bigyan ng magandang buhay ang mga atleta at artista hanggang sa matapos na ang kani-kanilang mga karera.
Dahil dito ay nabibiyayaan din ang mga pamilya ng mga ito.
Ano ang sikreto ng tagumpay ni Charlie?
‘‘I’m very strict and I treat rookies and veterans alike and fairly,’’ aniya.
Aprub!
KASAYSAYAN PARA SA NU

Mahirap umukit ng kasaysayan ngunit mas mahirap ipagpatuloy ang kasaysayan.
Nagawa ito ng National University Lady Bulldogs sa makulay na UAAP women’s basketball tournament.
Nakuha ng NU ang ika-74 sunod panalo matapos sakmalin ang UST Tigresses, 96-57, sa Filoil Flying V Centre sa San Juan. Ito ang pinakamahabang win-streak sa alin mang isport (lalaki man o babae) sa UAAP at maging sa lahat ng collegiate at professional sports ng bansa.
Binabati ko si dating UP Maroon at national team mentor Patrick Aquino na mapalad na nakakuha ng suporta kay dating Philippine Basketball League chairman at Blackwater Elite owner Dioceldo ‘‘Siopao’’ Sy. Maaari ka nang matulog ng mahimbing Pat. More wins, more wins.
Keep the win-streak going!

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending