Pinay OFW kontra manyakis na amo

SAAN man naroon ang isang babae, napakahalaga sa kanya na pag-ingatan at pangalagaan ang kanyang pagkababae.

Isang OFW ang tumalon mula sa bubong ng tahanan ng kanyang amo nang pagtangkaan siyang halayin ni Sir. Hindi na nagdalawang-isip pa ang Pinay kahit sabihin pang ikamamatay niya ito.

Para sa isang babae, mamatamasin pa niyang mamatay na ipinaglalaban ang kanyang puri at patuloy na nanlaban sa halip na basta na lamang isuko iyon sa sinumang nagnanais na pagsamantalahan siya.

Napakaraming mga kaso na ng OFW natin ang nagbuwis ng buhay sa pagtatanggol sa kanilang pagkababae. Kung hindi sila ang mapatay, sila ang nakakapatay.

Tulad na lamang ng naging karanasan ni Sarah Balabagan maraming taon na ang nakalilipas. Dahil sa kahirapan, kahit sa murang edad, nagtrabaho siya sa abroad. Pero hindi siya nakaligtas sa pagkakaroon ng isang manyakis na amo.

Dahil bata pa, buo ang loob at tapang ni Sarah na ipaglaban ang kanyang puri hanggang sa napatay nga niya ang kaniyang amo.

Hindi nag-iisa si Sarah sa kanyang karanasan. Marami pang mga babae ang tulad niya na sinolo na lamang o sinarili ang masasakit na pinagdaanan sa kamay ng mga mapagsamantalang amo.

Mga babaeng pinili na lamang ang manahimik at ni hindi masabi sa kanilang mga mahal sa buhay ang mapait na pinagdaanan. Dahil hindi man nila nagawang manlaban o kung nanlaban man sila at nagtagumpay pa rin ang kasamaan, dadalhin na lamang nila hanggang sa kamatayan ang mga alaalang iyon na pilit nilang binubura sa kanilang mga isipan.

May ibang mga kababaihan naman tayo na nag-aral ng self-defense. Kahit paano ay maipagtatanggol nila ang kanilang mga sarili sa mga sandaling inaatake sila. Kaya lang, dahil sa lakas na taglay ng isang lalaki kung kaya nagtatagumpay pa rin ang mga ito.

Ito ang nagdudumilat na katotohanang kinakaharap ng ating mga kababaihan. Bukod sa mga pisikal at emosyanal na mga pang-aabuso mula sa kanilang mga employer, hindi rin sila ligtas sa mga manyakis na amo.

May natanggap pa ngang reklamo noon ang Bantay OCW na pinagtulungan pa ng mag-asawang employer na gahasain ang ating Pinay OFW. Hindi na lamang nakontento ang lalaking amo, kundi tinutulungan pa siya ni Madam na maisakatuparan ang kahalayan ng asawa.

Kaya naman sa mga kababaihan nating patuloy na nakikipaglaban sa mga manyak na amo, sa bandang huli, gagawin nila ang lahat, kahit pa ikapahamak nila at magbuwis ng kanilang buhay, maprotektahan lamang ang kanilang mga pagkababae.

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM(M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziqHelpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/susankbantayocw@yahoo.com

Read more...