NASAWI ang 61-anyos na ginang matapos pagtatagain ng anak, na diumano’y may sakit sa pag-iisip, sa kanilang bahay sa Pigcawayan, North Cotabato, Lunes ng gabi.
Pinutol pa ng 36-anyos na suspek ang mga braso, binti, at ulo ng biktima, at niluto pa ang isang parte na hinihinalang sinubukan niyang kainin, sabi ni Supt. Bernard Tayong, tagapagsalita ng North Cotabato provincial police.
Natunugan ng lokal na pulisya ang insidente sa Sitio Barte, Brgy. Capayuran, dakong alas-6:30, nang iulat ng isang kapitbahay ng biktima.
Ilang minuto bago iyon, dumating sa bahay ang 63-anyos na mister ng biktima at nadatnan ang kanilang anak na may hawak na palakol at napaliligiran ng mga parte ng katawan, ani Tayong.
“Iniwan sila nitong tatay around 3 p.m., tapos pagbalik niya nakita na lang niya ‘yung mga parte ng katawan… Tinanong pa siya ng anak nila kung kilala niya kung kanino itong katawan na ‘to. Nung makita nung tatay na ‘yung asawa niya yun, tumakbo na siya, humingi ng tulong sa kapitbahay.”
Agad nagtungo doon ang mga pulis para beripikahin ang impormasyon, at inabutan pa ang suspek na tila nagluluto sa kusina.
“Pagdating ng mga pulis natin, inabutan pa nila ‘yung suspek sa gas range, pinapakuluan ‘yung part ng braso ng nanay niya sa caserole… kumukulo pa pagdating ng mga pulis,” ani Tayong.
“Hindi pa niya (suspect) kinakain, baka hinihintay niya pang maluto. Na-recover lahat ng parts, including ‘yung portion ng braso na nasa caserole,” paglilinaw ng police official.
Lumabas sa imbestigasyon na may sakit sa pag-iisip ang suspek at nagiging marahas kapag sinusumpong, kaya itinatali ng magulang.
“Matagal na nilang tinataliaan, from time to time pag okay siya, pinapakawalan, tapos pag magwawala ito, tinatalian uli,” ani Tayong.
“Ang nadinig ko dito, pinawalan lang itong suspek kasi naawa ang nanay, tapos ‘yun na, pinagtataga na ‘yung nanay.”
Napag-alaman ng pulisya na binibigyan ng gamot para sa karamdaman ang suspek, ngunit naubusan dalawang araw bago ang insidente.
Ayon kay Tayong, nakatanggap din sila ng impormasyon na dating dinala sa rehabilitation center ang suspek dahil sa pagkalulong sa iligal na droga, ngunit di pa ito makumpirma.
“‘Di pa sure kung may problema sa droga. Kasi di pa masyado makausap ‘yung tatay, eh ‘yung relatives naman hindi sigurado… ‘Yung tatay disoriented pa, very gloomy, ganun ba naman sapitin nung mahal niya sa buhay,” aniya.
Dinala ang suspek sa lokal na istasyon ng pulisya para sa posibleng pagsasampa ng kasong parricide, ngunit ipinapasuri din sa mga doktor, ayon kay Tayong.
“Doctors have to determine kung talagang may problema siya sa pag-iisip, para malaman namin kung saan siya ilalagay. Kasi pag ganun nga, di naman puwede sa regular detention yan, baka dapat sa mental facility,” aniya.