WALONG araw matapos maupo si Mayor Erap sa Maynila, kapansin pansin ang pagluwag ng mga kalsada sa Divisoria, Quiapo, Avenida, Rizal sa Sta. Cruz , Ermita at Sampaloc. Ang dahilan, binaklas ni Erap ang mga ilegal na jeepney terminals at binuwag din ang mga illegal vendors na nagmistula nang hari ng sidewalk at maging kalye.
Simple lang ang kanyang ginawa: Sinibak ang mga hepe ng pulisya at hepe sa traffic, bagay na hindi nagawa ni dating Mayor Lim dahil hindi na ito nakakaikot ng Maynila o kaya’y napapaikutan na lamang ng kanyang mga kabaro. Maliwanag na ang mga pulis na sinibak ni Erap ang may proteksyon sa mga vendor na ito at sa mga illegal terminals. Pinagsabihan din nito ang mga vendors sa Carriedo, Quiapo na huwag mag-abuso sa kalye at mag-night market na lamang.
Si Vice Mayor Isko Moreno naman ang itinalaga ni Erap bilang Traffic czar sa Lungsod at dito, aabangan natin kung ano ang gagawin nila sa libu libong kuliglig na nooy nagwelga sa panahon ni Lim. Hari-harian ang mga kuliglig na ito at walang habas sa biglaang maniobra sa mga kalye. Bantayan din natin ang Manila traffic group kasama na ang Manila Junior Police kung merong pagbabago lalo na sa paligid ng mga public markets.
So far ,so good pero, baka naman lilipat lang ang kotong sa mga bagong assigned na pulis ni Erap?
Kahit maaga pa si Erap sa pwesto, nagkukumahog ngayon ang kanyang grupo sa pagbawi sa isang marahil ay nagkamaling appointment sa isa sa mga importanteng pwesto sa Manila City Hall. Bahagi ng Erap team ang isang dating opisyal na dalawang beses sinuspindi ng Ombudsman dahil sa mga anomalya sa Maynila at maging sa pinaglipatan nitong Lungsod sa Calabarzon.
Bukod dito, may kaso pa ang opisyal na ito sa Department of Finance sa ilalim ng RIPS program nito laban sa mga opisyal na merong ‘unexplained wealth’ . Nakakuha lamang ito ng permanent injunction sa Korte, kayat hindi naisilbi ng DILG ang mga suspension orders.
Siguro walang search committee si Erap tulad sa Malakanyang noon, kaya naman nangyari ito. Hindi rin ako naniniwala na papayagan ni Erap ang isang kontrobersyal na opisyal na may suspensyon sa Ombudsman na makasama sa kanyang team.
Pero, sa bulungan sa City Hall, nagtataka ang marami kung paanong tutuwid ang pamamalakad ni Erap gayong kilala ang opisyal na ito sa ‘talim’ noong nakaraang mga administrasyon. Meron din daw itong koneksyon sa nakaraang administrasyon ni Mayor Lim kayat lalong tumindi ang mga hakahaka. Kilala niyo ba ang opisyal na ito na dalawang beses sinuspindi ng Ombudsman na ngayoy kasama ni Mayor Erap sa Maynila?
Maganda itong naisip ni DILG sec. Mar Roxas na i-raffle na lamang ang pagpili sa mga bagong pulis para mawala na ang padrino system sa PNP. Alam naman ng marami na naglalagay ilan daang libong piso ang mga aplikante para makapwesto, at pag napwesto na ay saka babawi sa pamamagitan ng kotong.
Pabor tayo diyan 100 percent. Katunayan, dapat ito na rin ang pairalin sa pagpili ng mga police district commanders sa mga lungsod at lalawigan. Alisin na natin ang THREE CHOICES na binibigay sa mga Mayor at Gobernador sa pagpili ng hepe ng kanilang pulis at gawing Limang best candidates at i-raffle na lamang. Sa ganitong paraan, walang utang na loob si pulis sa mga pulitiko at makakagawa ng kanyang sinumpaang tungkulin.
Kaya ba naman itong gawin ni Roxas at ni Chief PNP Alan Purisima?
Editor: Para sa komento at tanong, i-text ang PIKON, pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09178052374.