Sa Isabela lamang, 495 pamilya o halos 2,000 katao ang naitalang nasa mga evacuation centers na bago mag-alas 5 ng hapon, ayon sa ulat ng Office of Civil Defense-Cagayan Valley.
Ang mga naturang pamilya’y residente ng coastal towns ng Divilacan, Maconacon, at Palanan, na pawang mga nasa lugar kung saan inaasahan ang unang pagtama ng bagyo sa kalupaan.
Ayon kay Chona Cepeda, operations officer sa regional OCD office, may mga isinasagawa ring evacuation sa iba pang coastal town gaya ng Sta. Ana, Gonzaga, Buguey, at Claveria ng Cagayan.
Una nang sinuspende ang klase sa mga lugar na maaaring daanan ni “Rosita,” na nasa halos kaparehong landas na tinahak ng mapaminsala’t nakamamatay na bagyong “Ompong” noon lang nakaraang buwan.
Nagpapatupad na rin ng “liquor ban” at “no sail policy” sa Isabela para maiwasan ang mga casualty sa parating na bagyo, sabi ni Senior Insp. Frances Littaua, tagapagsalita ng provincial police.
Isinailalim sa “red alert” ang civil defense offices sa Ilocos region, Cagayan Valley, Central Luzon, pati na ang sa Cordillera — kung saan naitala ang pinakamaraming namatay dahil kay “Ompong,” ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council.
Itinaas din ang parehong estado ng alerto sa NDRRMC operations center bilang paghahanda sa bagyo.