‘Si Dulce pa rin ang divas of all divas! Wala pa ring kupas!’

SIYA pa rin ang diva of all divas! Marami na silang nagsulputan ngayon na tumitili-sumisigaw kapag mataas ang tono ng piyesa pero wala pa ring tatalo sa nag-iisang Dulce.
Tama lang na kunin siyang hurado sa TNT, tama ang tagapamuno ng It’s Showtime para iupo siyang punong-hurado, dahil meron siyang tenga sa musika.
Minsan pang pinahanga ni Dulce ang ating mga kababayan sa katatapos lang na concert ng The OPM Hitmen sa Music Museum kung saan siya ang special guest.
Hindi maramot ang Asia’s Diva, ang usapang dalawang spot numbers lang ay ginawa niyang tatlo, may production number pa siyang kasama sina Richard Reynoso, Rannie Raymundo, Chad Borja at Renz Verano.
Si Bernard Cruzata, ang kanyang mister, ang tumatayo niyang manager. Kung madaling kausap si Dulce ay mas madaling magdesisyon si Tito Bernard, walang hindi, basta puwede.
Wala pa ring kupas ang boses ni Dulce, mas tumaas pa nga ang range ng kanyang boses, minamani lang niya ang pinakamatataas na notang halos ikamatay na ng ibang singers sa entablado.
Ang maganda kay Dulce ay pinaghahandaan niya ang mga tinatanggap nilang kompromiso ni Tito Bernard. Hindi siya nag-uulit ng damit, nagpapagawa talaga siya ng bago, nagbibihis siya.
Pero sabi nga ng isang nanood sa kanya sa Music Museum, “Kahit basahan ang isuot ni Dulce, e, kuha pa rin niya ang audience dahil sa sobrang pagbirit niya na hindi masakit sa tenga.
“Hindi siya tumitili, lalong hindi siya sumisigaw, ang pagbirit ni Dulce ang pinakamasarap pakinggan, lahatin man natin ang mga singers ngayon. Si Dulce pa rin!” sabi ng aming kausap.
Nasa pagbirit ni Dulce ang emosyon. Nasa pagtumbok niya sa pinakamataas na tono ang puso. Totoong-totoo, si Dulce pa rin, wala pang pumapalit sa kanyang trono.

Read more...