Jo Berry: Parang tunay na anak na ang turing sa akin ni Ate Guy!

PARANG tunay na anak na ang turing ni Nora Aunor sa bulinggit na Kapuso actress na si Jo Berry. Gumaganap na mag-ina ang dalawa sa GMA Telebabad series na Onanay.

Mismong si Ate Guy na ang nagsabi na ibang klaseng aktres din si Jo, kahit na baguhan pa lang sa larangan ng pag-arte ay nakakasabay na siya sa mga veteran stars.

Todo naman ang pasasalamat ni Jo kay Ate Guy at sa buong production ng Onanay dahil sa suportang ibinibigay sa kanya mula nang magsimula ang kanilang serye. Ayon pa kay Onay (karakter ni Jo sa programa), feel na feel niya ang love ni Ate Guy bilang ina.

“Opo, parang anak na po talaga ang turing niya sa akin. Kasi, kapag off-cam madali po akong pawisan, mahapo, sinasabi niya po, ‘Sandali lang anak, okay ka pa ba? Pagod ka na ba?’ Nanay na nanay po. Sobrang thankful po ako kasi siyempre, Superstar yun tapos ganu’n ang treatment sa akin,” ani Jo sa panayam ng ilang members ng press.

Ayon kay Jo, napakalaki ng naging pagbabago sa buhay niya mula nang magbida sa Onanay. Pero aniya, ang mas nakakataba ng puso ay ang epekto ng show sa mga taong sumusubaybay sa serye.

“Ano po sila, ang laging natatanggap ko na message is nagpapasalamat po sila kasi, nai-inspire po sila. Masarap po sa feeling ko kasi bago pa man mag-start, yun po talaga ang goal ko, yun po ang gusto kong mangyari, maka-inspire ng tao,” lahad ni Jo.

“Na-experience ko na rin po ngayon na pinapadalhan ako sa bahay ng flowers na may letters pa. Nagpapa-thank you ko,” aniya pa. Kahit daw ang mga tulad niyang may dwarfism ay nagpapasalamat sa kanya.

“Nagpapa-thank you sila kasi, nag-change daw po ang tingin sa may mga dwarfism. Siyempre kung kukuha man ako ng feedback, sa kanila galing yun dahil sila ang nakaka-experience,” aniya pa.

Proud na proud daw sa kanya ang kanyang kapwa wonder bulinggit at kung dati raw ay sila ang pinagtatawanan at tinutukso dahil sa kanilang height at itsura, ngayon daw mataas na rin ang tingin sa kanila.

Sa tanong kung saan niya hinuhugot ang galing niya sa pag-arte, “Sa character na po ngayon bilang Onay. Saka magagaling din po kasi ang nagtuturo sa akin at mga kaeksena ko. Si direk Gina Alajar po, tutok po lagi.”
Pero inamin niya na medyo hirap siya sa iyakan, masayahin daw kasi siya sa totoong buhay, “Magkaiba po sila ni Onay. Ako po kasi ay jolly person kaya magkaiba sila.”

Sabi ni Jo until now parang panaginip pa rin ang nangyayari sa kanyang buhay, “Hindi po talaga siya na-imagine. Ang iniisip ko lang po noon, ma-try at makaapekto kahit little scope lang na tao for positive feedback sa mga little people. Ang laki na ng effect sa kanila ngayon.”

Read more...