KUNG magtutuluy-tuloy ang magagandang opportunities na dumarating sa Kapuso young actress na si Arra San Agustin, siguradong siya na ang magiging next big thing ng GMA.
Gandang-ganda kami sa dalaga at meron din siyang ibubuga sa pag-arte kaya kung meron dapat bigyan ng special attention ang GMA, yan ay walang iba kundi si Arra na nagpapakitang-gilas ngayon sa Kapuso afternoon series na My Special Tatay.
Nakachikahan namin ang young actress kamakailan at dito nga niya sinabi na biggest break niya sa tatlong taon niya sa showbiz ang My Special Tatay.
Mula nang maging finalist siya sa 6th season ng StarStruck noong 2015, hindi na siya umalis sa GMA.
Plano sana niya noon na mag-aral ng Medicine after niyang matapos ang kurso niyang BS Psychology (sa De La Salle University).
Pero sey ni Arra mas pinili muna niya ang ipagpatuloy ang kanyang showbiz career dahil ito talaga ang nais niyang gawin.
“Nagustuhan ko na ang showbiz mula nang ilagay ako ng GMA 7 sa remake ng Encantadia. Feeling ko kasi, mas magiging happy ako rito kesa magdoktor, kapag sinasabi sa akin ng mga tao na bakit hindi ko ituloy ang Medicine.
“Kung ipipilit ko, at the end of the day, baka mag-back out ako dahil hindi na ako masaya,” sey pa ni Arra.
“Three years pa lang ako sa showbiz at never akong nagkaroon ng kahit anong exposure at experience sa acting. Dito ko lang naramdaman sa My Special Tatay ang pagiging aktor,” chika ni Arra.
In fairness, nagagamit daw ni Arra ang kanyang kursong BS Psychology sa role niya sa My Special Tatay bilang si Carol, ang BFF ni Ken Chan sa kuwento na gumaganap naman bilang si Boyet na may mild intellectual disability.
Paliwanag ni Arra, kahit criminal case ang hawak ng isang psychologist, mahalaga na marunong silang mag-balanse ng sitwasyon, makinig sa good side at bad side ng case study na nagagamit niya sa kanyang mga eksena sa My Special Tatay.
Nagpapasalamat din si Arra sa pagtanggap sa kanya ng viewers sa serye lalo na ‘yung mga nagpo-post ng magagandang feedback tungkol sa kanyang akting, “Kaya nga mas ginaganahan pa kaming magtrabaho at pagbutihin pa ang bawat eksena na ginagawa namin.”
Napapanood pa rin ang My Special Tatay sa GMA Afternoon Prime.