Palasyo sa paghirang kay Lapeña bilang TESDA chief: Matagal nang nakaplano

IPINAGTANGGOL ng Palasyo ang pagkakatalaga ni Pangulong Duterte kay dating Customs Commissioner Isidro Lapeña bilang bagong Director General ng Technical Education Skills Development Authority (TESDA).

Sinabi ni Presidential Spokesperson at Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo na matagal nang plano na ilipat si Lapeña sa TESDA.

“Alam mo matagal nang naka ano iyon… naka-ready i-transfer sa TESDA. Kaya lang napadali kasi—alam mo si Presidente, ano siya, he wants to spare him from intrigue dahil sinisiraan nang husto eh. Kaya nabigla iyong ano… napadali iyong announcement; napadali iyong promotion niya, Cabinet member na siya ngayon. Kasi ang BOC is just a bureau under Department of Finance eh. Dapat next week pa ang announcement,” sabi ni Roque.

Nauna nang sinibak ni Duterte ang lahat ng mga opisyal ng BOC, bagamat inilipat lamang si Lapeña ng  ibang departamento, kapalit ng dating TESDA chief na si Guiling “Gene”  Mamondiong, na tatakbo sa bilang senador.

“Ang problema diyan, kaya nga ‘di ba sinabi ni Presidente, iyong mga nasa baba talaga na ano eh … mukhang marami sa kanila ang involved. Sabi ng—ang Customs malala ang corruption eh. Kahit na sino ang ilagay mo, mukhang nahihirapan silang maging matagumpay. Pinaglalaruan ka ng mga nasa baba mo eh, ganoon ang nangyari diyan,” ayon pa kay Panelo.

Ipinag-utos ni Duterte ang balasahan sa BOC isang araw matapos aminin ni Lapeña na kumbinsido na siya na may laman ngang shabu ang apat na magnetic filters na natagpuang bukas na sa Cavite na ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ay naglalaman ng aabot sa P11 bilyong shabu.

Read more...