Nagkaayusan na ba ang 4×4 group at LTO?

NITONG nakaraang Martes, October 24, ay naging bahagi tayo ng isang pulong sa pagitan ng mga opisyal ng LTO sa pamumuno ni Assistant Secretary Edgar Galvante at mga miyembro ng off-road community at mga may-ari ng negosyong nakapalibot sa dibersiyon na ito.

Tinalakay ang naging problema sa pagpapatupad ng batas ukol sa modification ng mga sasakyan kung saan nagrereklamo ang mga may-ari ng 4×4 o off road na mga kotse na mali ang ginagawa ng LTO.

Sa miting, maayos na naipaliwanag ni ASec Galvante ang isyu at naiparating ang mensahe na hindi arbitrary ang panghuhuli ng LTO kundi pagpapatupad lamang ng nakatayong batas sa kasalukuyan.

Dito nagsimulang umayos ang diskusyon dahil inamin ni Galvante na ang batas na kanilang sinasandalan, ang RA 4136, ay luma na at hindi na angkop sa panahon. Malinaw na sinabi ni Galvante na ang mga pagusad sa teknolohiya ay hindi man sakop ng naturang batas at maaaring kinakailangan ng bisitahin at repasuhin ito.

Naipaliwanag naman ng mga miyembro ng off roading community ang kanilang panig kay Galvante. Ayon sa kanila, ang kanilang mga sasakyan at produktong ikinakabit sa mga ito ay sertipikado ng mga international agencies tulad ng ISO at TUV kaya nakakasiguro sila na ligtas at maayos ang pagkakagawa nito.

Sa bandang huli ay hiniling ni Galvante ang rekomendasyon ng grupo kung papaano maaamyendahan ang kasalukuyan doktrina upang maabutan naman ang nakalatag na modernong teknolohiya.

Ang panukala ni Sam Liuson ng Wheel Gallery/Concept One ang naging pinakamalinaw na posibleng solusyon. Sa panukala ni Liuson, maaaring ang mga nagkakabit ng mga modification na ito na lamang ang maglabas ng sertipikasyon ng kaligtasan sa mga produktong ikinakabit nila sa mga sasakyan tulad ng 4×4.

Mabilis na inayunan ito ni Galvante at mukhang isasama ito sa mga amendments na gagawin sa Department Order 2010-32 na pinagmulan ng lahat gulo sa pagitan ng mga 4×4 enthusiast at ng LTO.

Maging si Transportation Secretary Arthur Tugade ay mabilis na nagpalabas ng pahayag na kung kinakailangan baguhin ang mga batas na hindi na angkop sa panahon at teknolohiya, dapat gawin ito upang lahat ay makinabang.

Kung ganito lamang sana kumilos ang marami sa mga sector ng lipunan at ng ilang ahensiya ng gobyerno, sana ay mas mabilis na nareresolba ang mga isyug hindi naman pala ganun kahirap ayusin.

Kung interes ng lahat ang iniisip ng mga nag-uusap sa mesa at hindi pansariling interes lamang nila, maaaring matagal na tayong nakausad sa maraming problemang ating hinaharap imbes na patuloy tayong nagaaway ng walang saysay o dahilan.

Para sa komento o suhestiyon, sumulat lamang sa irie.panganiban@gmail.com o sa inquirerbandera2016@gmail.com.

Read more...