NASAWI ang 26-anyos na babae at dalawa niyang anak nang lamunin ng apoy ang kanilang apartment unit sa Alfonso, Cavite, Miyerkules ng hapon, ayon sa pulisya.
Nasawi sina Lovely Jassem, at mga anak niyang sina Rylai Lexi, 5; at Rijin Lex, 1, ayon sa ulat ng Cavite provincial police.
Naganap ang insidente dakong alas-2:30, sa Brgy. Poblacion 4.
Sinabi sa pulisya ng isang pamangkin ni Lovely na una’y may napansin siyang usok na lumalabas sa unit ng tiyahin, kaya nagtungo doon para tingnan kung anong nangyayari.
Kumatok ang pamangkin at napansing naka-lock ang pinto, hanggang sa mahulog ang isang nasusunog na kahoy kaya siya napaatras at hinila palayo ng mga kapitbahay, ayon sa ulat.
Dahil dito’y humingi ng saklolo sa barangay officials at lokall na sangay ng Bureau of Fire Protection ang mga kapitbahay.
Ikinuwento naman ng ina ni Lovely sa mga imbestigador na umalis siya ng apartment pasado alas-12 ng tanghali para dumali sa piyesta sa Brgy. Mangas, at sinabihan ang anak na magluto na lang ng itlog para sa tanghalian.
Nakita pa ng matanda ang kanyang mga apo na nagpaalam sa kanya bago siya umalis, at nalaman na lang ang sunog habang kumakain sa bahay ng isang kaibigan sa Mangas.
Napag-alaman na kasal si Lovely, ngunit humiwalay sa mister isang buwan pa lang ang nakaraan, ayon sa pulisya.
Inaalam pa ng mga imbestigador kung anong sanhi ng sunog.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.