Bastos na young actor feeling big star na, sinagut-sagot si direk

HINDI nagustuhan ng mga tauhan ng isang produksiyon ang ipinakitang kaangasan ng isang guwapong aktor na kontratado ng isang malaking network.

Marami ring nagtaka kung bakit bigla siyang yumabang, kung bakit sinagut-sagot niya ang kanyang direktor nang pabalang, umakyat na nga ba ang pinaniniwalaan niyang popularidad sa ulo ng guwapo pa namang aktor?

Kuwento ng aming source, “Meron silang pinagtalunan ng kanyang direktor, palagi kasi siyang late sa set, dahil marami siyang nilalagareng trabaho.

“Natural, nakakaapekto ‘yun sa work niya, hindi siya makapag-concentrate sa pag-arte, dahil sobra nga siyang pagod. Paano makakaarte nang maayos ang isang artistang halos wala nang tulog at pahinga?

“Siyempre, nakukulangan si direk sa acting na ginagawa niya. Ang sabi pa ni direk, ni hindi nga siya makaiyak, kasi nga, ubos na ang energy niya.

“Aba, sumagut-sagot siya kay direk, marami siyang kuda, talagang nakipag-argumento siya, hanggang sa bastusin na nga niya ang kung tutuusin, e, captain of the ship ng pelikulang ginagawa niya,” unang kuwento ng aming chikadorang impormante.

Maraming nagulantang sa inasal ng guwapong aktor, ano raw kaya ang tingin niya sa sarili niya, sikat na sikat na siya? At ano raw kaya ang pakiramdam ng aktor sa kanyang sarili, magaling na siyang umarte, kaya hindi na siya dapat pinaaalalahanan ng direktor niya?

“Naku, magtigil siya! Hindi siya kagalingang umarte, ‘no! Pasalamat na lang siya at may face value siya, dahil kung wala, e, waley naman talaga siya! Huwag niyang ipagmalaki ang mga seryeng pinagbibidahan niya dahil hindi naman siya nagmamarka!

“Tama bang pabarag-barag niyang sinagot ang direktor niya nang dahil lang sa pagpapayo sa kanya na huwag tumatanggap ng maraming trabaho dahil affected ang acting niya?

“Magpalit na kaya sila ng pangalan ni direk? Ganyan din lang na ayaw niyang pinapansin ang acting niya, puwes, ikulong na lang sa monasteryo ang aktor na ‘yan para matuto siyang gumalang sa mas nakatatanda sa kanya!” inis na pahayag ng aming source.

Naku naman, Bradly Guevarra, Tita Nene Ulanday, Jon at Ching Bautista Silverio, kapag naman naupo pa kayo n’yan sa Row 4 na katabi ang mabahong basurahan, e, talaga na lang!

Read more...