St. Clare, Enderun maghaharap sa NAASCU finals

Laro sa Miyerkules (Oct. 24)
(Ynares Sports Arena)
3 p.m. St.Clare vs OLFU (juniors)
5 p.m. St. Clare vs Enderun (seniors)

ANG defending champion St.Clare College at Enderun College ang maghaharap sa National Athletic Association of Schools, Colleges and Universities (NAASCU) Season 18 basketball finals.

Ito ay matap0s patalsikin ng St.Clare ang New Era University, 78-62, habang sinibak ng Enderun ang Season 17 finalist De Ocampo Memorial College, 92-86, upang itakda ang kanilang inaabangang best-of-three title showdown.

Ang Game 1 ng serye ay gaganapin alas-5 ng hapon sa Miyerkules, Oktubre 24, sa Ynares Sports Arena, Pasig City.

Sa junior division, magsasagupa muli ang defending champion Our Lady of Fatima University at St. Clare sa rematch ng kanilang finals duel noong isang taon.

Umiskor si Rojay Santos ng 21 puntos para pamunuan ang Saints, na tatangkaing mkuha ang ikatlong sunod na titulo.

Si Junjie Hallare ay nagdagdag ng 15 puntos habang si Mohamed Pare ay nag-ambag ng 13 puntos at game-high 20 rebound para sa Saints, na nakapasok sa NAASCU finals sa ikapitong sunod na taon.

Nauwi ng Caloocan-based squad nina NAASCU founding president Dr. Ernesto Jay Adalem at coach Jino Manansala ang unang korona matapos daigin ang Centro Escolar University noong 2012.

Matapos nito ay tatlong sunod na naging runner-up ang St. Clare sa likod ng CEU mula 2013 hanggang 2015 bago muling magwagi ng kampeonato kontra OLFU noong 2016 at De Ocampo noong isang taon.

Si Jeff Comia ang nanguna para sa Hunters sa ginawang 22 puntos.

Sinandigan ng Enderun ang mahusay na paglalaro ni Brando Chauca na muntik magtala ng triple-double para tuluyang sibakin ang De Ocampo.

Si Chauca ay nagtapos na may 29 puntos, 10 rebound at pitong assist para sa Titans.

Read more...