EAGLES tumiklop sa ARCHERS

Mga Laro sa Miyerkules
(Araneta Coliseum)
2 p.m. UE vs Adamson
4 p.m. NU vs UST
Team Standings: FEU (3-0); UST (2-0); La Salle (2-1);  Adamson (1-1); NU (1-1); UE (1-1); UP (0-3); Ateneo (0-3)

NAGBABAGANG laro sa second half ang inilabas ng De La Salle University Green Archers para panatilihing walang panalo ang five-peat defending champion at karibal na Ateneo de Manila University Blue Eagles, 82-73, sa 76th UAAP men’s basketball tournament kagabi sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Hindi nasira ang konsentrasyon ng Green Archers kahit napag-iwanan ng 12 puntos sa first half, 28-40, para umangat sa 2-1 karta.

Umiskor ng 31 puntos sa ikatlong yugto ang Archers at ang 3-point play ni Arnold Van Opstal ang nakatulong para hawakan ng koponan ang 59-58 bentahe papasok sa huling yugto.

Ang 6-foot-8 center na si Van Opstal ay mayroong 18 puntos at 8 rebounds para suportahan si Almond Vosotros na mayroong 19 puntos at 8 rebounds.

Si Jeron Teng ay nagdagdag ng 13 puntos at 10 rebounds habang si Luigi dela Paz ay nagpakawala ng isang tres tungo sa limang puntos sa 12-6 palitan para ibigay sa Archers ang kanilang pinakamalaking kalamangan sa laro sa 82-72.

Ito ang unang panalo ng La Salle sa Ateneo matapos kunin ang 66-63 tagumpay noong Hulyo 24, 2010. “We were not executing in the first half. We made adjustments and did what we were supposed to do in the second half,” wika ng bagong La Salle coach Juno Sauler.

Gumawa ng career-high na 27 puntos si Chris Newsome pero hindi ito naging sapat para bitbitin ang tropa ni first year Ateneo coach Bo Perasol upang matapos ang anim na sunod na panalo sa La Salle at mapantayan sa huling puwesto ang University of the Philippines Fighting Maroons sa 0-3 karta.

Patuloy ang pagbabaga ng mga kamay nina Terrence Romeo at RR Garcia at ang Far Eastern University Tamaraws ay umangat sa ikatlong sunod na panalo sa 75-57 pagdurog sa UP Fighting Maroons sa unang laro.

May 20 puntos sa  8-of-16 shooting si Romeo bukod sa 12 boards habang si Garcia ay naghatid ng 15 puntos, 7 rebounds at 4 assists para sa Tamaraws na agad na iniwan ang Maroons sa 41-21 sa first half.

Ang pinakamalaking kalamangan ng FEU sa laro ay 29 puntos, 62-33, sa tres ni Garcia. Ayaw naman magpadala ni rookie FEU coach Nash Racela sa malakas na panimula ng koponan na ngayon ay nagsosolo sa itaas ng team standings.

“Last year they started 4-0,” wika ni Racela. “At this point, we need to control our emotions.” Bumaba sa 0-3 ang Maroons at ininda nila ang mahinang 2-of-25 shooting sa 3-point line.

Si Raul Soyod ay mayroong 10 puntos at 10 rebounds pero wala sa porma si Sam Marata na may apat na puntos lamang matapos maghatid ng 20.5 puntos na average sa naunang dalawang laro.

Maagang kinontral ng FEU ang laro sa pangunguna nina Romeo at Chris Tolomia na ginawa ang 14 sa 23 first quarter points ng Tamaraws para maiwanan ang UP.

Mula rito ay biglang rumatsada ang Tamaraws sa pamamagitan ng 12-0 run sa ikalawang yugto para itala ang 41-21 kalamangan.

Nagawa namang makadikit ng Maroons sa 12 puntos, 62-50, sa paghulog ng 17-0 bomba sa kalagitnaan ng ikatlo at ikaapat na yugto bago sumagot ang Tamaraws para tuluyang iwanan ang kalaban.

Read more...