9 na trabahador sa taniman ng tubo patay sa pamamaril sa Negros 

PATAY ang siyam na nagtatanim ng tubo, ilan sa kanila ay mga babae at menor-de-edad, matapos pagbabarilin ang kanilang tent sa Sagay City, Negros Occidental, Sabado ng gabi, ayon sa pulisya.

Sinunog pa umano ang tatlo sa mga biktima matapos pagbabarilin, samantalang nakaligtas ang ibang nagtatanim matapos magtatakbo at magtago sa dilim.

Kabilang sa mga napatay ay sina Eglicerio Villegas, 36; Angelife Arsenal; lima katao na kinilala bilang alyas “Pater,” “Dodong Laurencio,” “Morena Mendoza,” “Necnec Dumaguit,” “Bingbing Bantigue,” at menor-de-edad na sina Jomarie Ughayon Jr. at Marchtel Sumicad, kapwa 17.

Pawang miyembro ang mga biktima ng Negros Federation of Sugar Workers (NFSW), sabi ni Supt. Joem Malong, Western Visayas regional police spokesperson.

Sinunog umano sina “Morena, “Necnec,” at “Bingbing” ng mga umatake, ayon sa ulat ng Negros Occidental provincial police.

Nangyari ang insidente ganap na alas-9:45 ng gabi sa isang hacienda na pag-aari ng isang Carmen Tolentino, ng Purok Firetree, Brgy. Bulanon.

Inokupa ng mga miyebro ng NFSW ang taniman Sabado ng umaga, isang araw matapos na mag-ani ang may-ari ng tubo.

Nagpapahinga ang mga biktima nang paulanan sila ng bala ng aabot sa 40 na armadong kalalakihan.

Nagtago ang mga nakaligtas sa madilim na lugar sa kasagsagan ng pag-atake, ayon sa ulat.

Tinitingnan ng mga imbestigador ang away sa lupa bilang motibo ng pag-atake, dagdag pa ng ulat.

 

Read more...