Carmina sa lovelife nina Mavy at Cassy: Alam nilang hindi pa oras, pag 28 na sila!

MAVY, CARMINA VILLAROEL AT CASSY

HINDI pa handa si Carmina Villarroel na magkaroon ng lovelife ang kambal nila ni Zoren Legaspi na sina Mavy at Cassy.

Sa presscon ng Sarap Di Ba? kung saan makakasama ni Carmina ang dalawang anak bilang co-host, natanong namin kung pag-uusapan ba nila sa show ang tungkol sa pagkakaroon ng dyowa.

Napaisip muna si Mina bago sumagot, “Alam mo magandang topic ‘yan, ha, sa mga magulang na, ‘Utang na loob, mag-let go ka muna.’ Mag-eighteen na ‘yung kambal, baka dapat may psychiatrist akong kasama or psychologist. Baka lang po nasa first stage na ako ng masyadong clingy sa kanila.”

Dugtong pa niya, “Pinag-uusapan naman namin ‘yan mga ‘yan. Siyempre, it’s just normal na magkakaroon sila ng admiration to other people. It’s normal because pinagdaanan ko naman na at ikinuwento ko na sa kanila ‘yung buhay ko.

“Yes, lahat wala akong in-edit. Kinuwento ko talaga sa kanila kasi, like I’ve said, I want to be open with them para at least ‘yung mga mistakes ko in the past medyo sana maiwasan,” aniya pa.

“Alam naman nila na hindi pa oras. Siguro ‘pag mga 30 na sila ganu’n. Grabe ba? Sige, mga 28? Okay na 28? Pero boyfriend-girlfriend lang yan, ha, hindi pa asawa. Hindi ko pa tanggap eh!” natatawa pero seryosong chika pa ng TV host-actress.

Hirit pa ni Carmina, “I trust you also, the two of you. Alam niyo naman na hindi pa tama, ‘di ba?

Humanda kayo sa bahay mag-uusap-usap tayo.”

Nagtawanan ang members ng entertainment press sa mediacon ng Sarap Di Ba?. Sabi nga namin pwede nang isang episode ang usapan ng mag-iina.

Ngayong umaga na mapapanood ang pilot episode ng Sarap, Di Ba? after Maynila sa GMA 7.

Makakasama nila rito ang magkapatid na Rayver at Rodjun Cruz with Pekto Nacua na magpapakitang-gilas sa pagsasayaw.

Abangan din ang challenge na hinarap nina Mavy at Cassy with the The Clash grand champion Golden Cañedo and runner-up Jong Madaliday.

Read more...