Nangutang ng pamasahe ang isa sa dalawang maghahati sa P1.1 bilyong jackpot prize ng Ultra Lotto 6/58 para makuha ang kanyang premyo.
Ayon kay Philippine Charity Sweepstakes Office Assistant General Manager for Gaming Sector Arnel Casas ang mananaya mula sa Samar ay kumuha ng kanyang premyo noong Martes.
Nag-uwi siya ng P472 milyon matapos na alisin ang 20 porsyentong buwis na ipinapataw sa premyo ng lotto sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion.
Sinabi ni Casas na ang nanalo ay middle-aged, may asawa at mga anak. Sadyang hindi pinapangalanan ang mga nananalo para sa kanilang seguridad.
Ang nanalo ang namili ng mga numerong lumabas sa bola noong Oktubre 14.
Ang isa pang nanalo ay tumaya sa Albay. Mayroon siyang isang taon para kunin ang kanyang premyo.