Kung nabigyan ng cash incentive ang mga atletang nanalo sa Asian Games ay mabibiyayaan din ang mga atletang may kapansanan na nakapagbigay karangalan para sa bansa sa ginanap na 2018 Asian Para Games sa Jakarta, Indonesia.
Ayon sa R.A. 10699 o ang “National Athletes and Coaches Benefits and Incentives Act of 2001”, tatanggap ng pabuya mula sa Philippine Sports Commission (PSC) ang mga atletang nagwagi ng medalya sa 2018 Asian Para Games sa pangunguna nina Sander Severino na nanalo ng apat na ginto sa chess at Ernie Gawilan na sumungkit ng tatlong ginto sa para swimming.
“Our medalists will be the first recipients of the R.A. 10699, in the Asian Para Games level. We express our sincerest gratitude to the government and the PSC for its intensive support for our para-athletes,” sabi ni Philippine Paralympic Committee president Michael Barredo.
Nakasaad sa Section 8 ng R.A. 10699 na ang bawat gintong medalya sa Asian Para Games ay may katumbas na P1,000,000 pabuya.
Ang bawat silver medal naman ay tatanggap ng P500,000 at ang bawat bronze medal ay mayroong makukuhang P200,000.
May karagdagang insentibo naman para sa mga atletang nakapagtala ng bagong marka sa nasabing palaro at matatanggap ito ni Gawilan na dalawang beses binasag ang dating Asian Para Games record sa men’s 400m freestyle na 5:10.18 na naitala ni Pan Shi Yun ng China noong 2014.
Unang binasag ni Gawilan ang dating record sa heat nang magtala siya ng tiyempong 4:56. Nahigitan niya ito sa finals nang maorasan siya ng 4:51.
“More than the amount of incentives, it is the deeper inclusion of our para-athletes in the Philippine sports landscape that we are all thankful for. They are now recognized as a true national athlete and are afforded proper training and exposure,” dagdag pa ni Barredo.
Ayon kay PSC commissioner Arnold Agustin, igagawad ang mga cash gift sa isang simpleng seremonya sa Malacañang Palace sa Nobyembre.
Sa kabuuan, nakapag-uwi ang delegasyon ng Pilipinas sa 2018 Asian Para Games ng 10 ginto, 8 pilak at 11 tanso para magtapos sa ika-11 puwesto mula sa 43 sumaling bansa.
Malaki ang iniangat nito mula sa napanalunang limang pilak at limang tanso sa 2014 Asian Para Games sa Incheon, South Korea.