Sa solong panayam namin kay Andi Eigenmann pagkatapos ng presscon ng “All Souls Night” na mapapanood na sa Okt. 31 ay tinanong namin siya tungkol sa nabalitang amicable settlement nila ni Jake Ejercito tungkol sa anak nilang si Ellie.
Matatandaang nabalita ito noon, umabot pa raw sa korte ang kaso kung kanino mapupunta si Ellie dahil nga madalas na wala sa tabi nito ang nanay niyang si Andi na naninirahan sa probinsiya.
Mabilis na sagot ng aktres, “Not true at all. Akala ko dati, balak nilang kunin ‘yung anak ko. I was young and vulnerable and really hurt and naïve. But then as an adult I know, they are really good people as well.”
Maayos na raw sina Andi at Jake ngayon at sa katunayan ay bukas ang komunikasyon nila pagdating sa anak nilang si Ellie. Kapag nandito raw sa Maynila ang bida ng “All Souls Night” ay nasa kanya ang anak pero kapag nasa probinsya siya ay nasa pangangalaga naman ito ng tatay niya.
“I can say na okay naman po kami now, not like before. Nakakahiya, hindi nakaka-class. Ha-hahaha! Oo kasi bata pa kami noon. ‘Yun nga, eh parang ang daming nagsabing I’m a bad person. Ako rin naman napalabas kong masama rin siyang tao.
“But then as I grow older, I realized those things that I should have kept to myself and we should have kept to our relationship now that I’m older. Those things didn’t really mean that we are bad people it just means that, we did things to hurt each other,” sabi pa niya.
Open book na si Jake ang first love ni Andi, kaya ang sabi namin sa kanya, “First love never dies.”
“Ha-hahaha! That’s not true! I disagree. First love does die because people change and people grow and I guess for other people it won’t die because they won’t let it go. But for me, it’s just natural it would die,” tumatawang sagot niya sa amin.
May bago nang boyfriend si Andi, si Philmar Alipayo na isa ring surfer sa Siargao at base sa kuwento ng aktres ay tatlong buwan pa lang sila. Mahilig pala siya sa surfer? “’Yung dati po, surfer din, nagse-surf kami for fun. Pero itong boyfriend ko now, professional talaga.”
Kaya sa Siargao na siya nakatira ay dahil tagaroon din si Philmar, “Opo but the reason why in Siargao is may business ako ro’n. I’t’s a Bed & Breakfast, nagsisimula pa lang sana next summer boom na boom na. And possible na doon na rin ako titira since doon din naman ako magnenegosyo. Doon din nakatira ‘yung boyfriend ko so mas perfect isang lugar na lang.”
Noong sila pa ng ex-boyfriend niyang si Emilio ay sa Baler siya tumira at bumili ng lupa na planong patayuan ng bahay, pero since nasa Siargao na siya ay pinag-iisipan kung ibebenta ang lupa at ang mapagbebentahan ay idadagdag sa puhunan niya sa Bed & Breakfast business.
Going back to “All Souls Night”, gagampanan ni Andi ang karakter na Shirley bilang kasambahay na tumanggap ng panandaliang trabaho sa isang pamilya. Ang ama ng tahanan ay may karamdaman at ang asawa nitong si Ellen ay may tatlong mahigpit na bilin sa kanya.
Una, dapat laging nakasara ang mga bintana at mga pintuan; Ikalawa, huwag lalabas habang nagtatrabaho sa kanila; at ang panghuli, huwag na huwag papasok sa kanilang kuwarto.
Mapapanood na ang “All Souls Night” sa Okt. 31 mula sa Aliud Entertainment at Viva Films sa direksyon nina Aloy Adlawan at Jules Katanyag.