Ibang klaseng magbiro ang kapalaran. Apat na taon na ang nakararaan ay magkakasunod na ikinulong ang tatlong senador dahil sa pag-uugnay sa kanilang mga pangalan sa PDAF scam.
Senador Jinggoy Estrada, Senador Bong Revilla at Senador Juan Ponce Enrile. Winasak ng mga kalaban ang kanilang imahe at pangalan. Ipininta sila nang pagkaitim-itim ng mga taong inggit at galit ang nakatago sa puso.
Pero pagkatapos lang nang dalawang taon ay pinalaya na si Senador Johnny bilang kunsiderasyon sa edad nito. Sumunod naman si Senator Jinggoy, si Senador Bong na lang ang naiiwan ngayon sa PNP Custodial Center.
Pero sa eleksiyon sa darating na taon ay sabay-sabay rin silang kakandidato. Nasa magandang puwesto sa survey ang mga pangalan nina Senador Jinggoy at Senador Bong.
Sa kabila ng kanyang edad na mahigit nobenta na ay hindi rin nagpapigil si JPE, tatakbo rin ito sa Senado, pero social media na lang ang aasahan nito sa kampanya dahil hindi na nito kayang mag-ikot sa buong bansa.
Ganu’n lang ang buhay. Ang napakadilim na nakaraan ay puwedeng lumiwanag. At malaki pa ang tsansang makabalik uli sa Senado ang magkaibigang karnal na sina Senador Jinggoy at Senador Bong.
Naikulong sila nang pisikal pero hindi natinag ang kagustuhan nilang makapagserbisyo pa rin sa ating mga kababayan.