DLSU Green Archers nakisalo sa No. 3 spot

NAKISALO ang De La Salle University Green Archers sa No. 3 spot matapos nitong durugin ang University of the East Red Warriors, 79-59, sa kanilang UAAP Season 81 men’s basketball game Miyerkules sa Mall of Asia Arena.

Ito ang ikalawang sunod na panalo ng Green Archers at nakasama nila ang Far Eastern University Tamaraws sa ikatlong puwesto sa parehong 5-3 record.

Winalis din ng Season 80 runner-up La Salle ang kanilang season series kontra Red Warriors matapos na mauna nitong itala  ang 82-72 pagwawagi sa first round.

Nagawang magsagawa ng UE ng 10-2 run sa pagsisimula ng ikatlong yugto para tapyasin ang kalamangan ng Green Archers sa tatlo, 49-46, mula sa tirada ni Alvin Pasaol subalit iyon na rin ang huling ratsadang nagawa ng Red Warriors.

Sumagot ang La Salle ng 17-3 arangkada para itayo ang 66-49 kalamangan papasok sa ikaapat na yugto.

Pinamunuan ni Encho Serrano ang La Salle sa kinamadang 18 puntos at anim na rebound habang si Andrei Caracut ay nagdagdag ng 16 puntos at anim na rebound.

Nagsanib puwersa naman sina Santi Santillan at Justine Baltazar para sa La Salle sa natipong 25 puntos at 14 rebound.

Binuhat ni Pasaol ang UE sa ginawang 22 puntos at 17 rebound.

Read more...