Michael Laygo balik-Pinas, misis sa US namatay sa meningitis

MICHAEL AT JOY LAYGO

Nasa bansa ngayon si Michael Laygo, ang nagpasikat ng piyesang “Minahal Kita,” na isa na sa mga miyembro ngayon ng sikat na Society Of Seven na regular na nagpe-perform sa mga hotels sa Las Vegas.

Masaya siya sa pagbabalik-bansa pagkatapos nang mahabang panahon, pero kakambal nu’n ang lungkot, dahil hindi na niya nakasamang umuwi ang kanyang misis na si Joy na sumakabilang-buhay sa Las Vegas.

Matagal ding na-comatose ang kanyang misis dahil sa meningitis na naging dahilan nang paulit-ulit nitong stroke, ilang buwan pagkatapos ay naigagalaw na ni Joy ang kanyang mga daliri, pero hanggang du’n na lang ang lahat.

“‘Yun ang pinakamasakit na part ng buhay ko, I had to perform with the SOS, pero ang utak ko, na kay Joy. Napakahirap kumanta. May mga times na bumibigay ako,” pag-alala ng magaling na singer.

Bukas ay meron siyang special show sa Music Hall sa Metro Walk kasama ang kanyang kapatid na si Mark, ang bokalista ng Passage Band, makakasama rin nila sina Top Suzara, Nyoy Volante, Mitoy Yonting at iba pa niyang mga kaibigang musikero.

Mula sa All4joy Productions ang kanyang show, ipinangalan niya sa kanyang misis na si Joy ang produksiyon, katuwang niya ang anak-anakan naming si Dada Cruz sa preparasyon ng concert.

Sa pagitan ng kanyang pagpe-perform ay ikukuwento ni Michael Laygo ang matinding pinagdaanan ng kanyang misis sa Las Vegas. May ibabahagi siyang makabuluhang paraang medikal para mapaglabanan ang sakit na meningitis na naging kumplikado dahil sa pag-atake ng tuberculosis.

Read more...