HINDI pa man pormal na nagbibitiw si dating presidential spokesperson Harry Roque ay pormal na itinalaga si Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo bilang bagong Presidential Spokesperson.
Sa kanyang pagbabalik bukas mula sa China, wala nang babalikang posisyon si Roque.
Marami tuloy nagtatanong kung hindi kaya nagsisisi si Roque nang tanggapin ang posisyon, kung saan mula sa pagiging kilalang human rights lawyer, naging tagapagtanggol ng administrasyon.
Hinihintay ngayon kung ano ang susunod na magiging aksyon ni Roque.
Mismong si Pangulong Duterte na ang tahasang nagsabi sa kanya na wala siyang pag-asang manalo kung sakaling tumakbo bilang senador.
Inaabangan ngayon kung itutuloy ba ni Roque ang pagtakbo.
Kung hindi naman siya tatakbo, ang katanungan pa rin ay kung mananatili pa rin siyang kaalyado ng administrasyon o magiging kritiko na ng gobyerno.
Mismong si Roque ang nagsabi na hindi dapat seryosohin ang pa-ngulo sa kanyang sinasabi at tila mismong siya ay nakatikim sa payo niyang ito.
Naging napakabilis ng pangyayari para kay Roque matapos ngang malaglag sa administrasyon.
Sakaling manatiling kaalyado, bigyan pa kaya si Roque ng ibang posisyon?
Wala na ring babalikan si Roque na kanyang dating partylist, matapos namang sabihin ng Kabayan partylist group na hindi na maaaring isama sa nominasyon nito.
May sarili namang law firm si Roque sakaling magdesisyon bumalik na lamang sa private practice.
Tiyak namang may aral na natutunan si Roque sa kanyang naging karanasan matapos ang biglaang pagkawala sa gobyerno, mula sa dating opisyal na tagapagsalita ng presidente.
Sa kanyang pag-uwi mula sa China bukas, magkakaalaman kung kaalyado pa ba si Roque ng administrasyon o mag-oober da bakod na.