Pelikula ni Brillante laglag sa 2018 MMFF, ‘Otlum’ ni Joven Tan sinuwerte

JOVEN TAN AT BRILLANTE MENDOZA

NGAYON pa lang ay kontrobersyal na ang huling entry na pumasok sa Magic 8 ng 2018 Metro Manila Film Festival, ang horror movie na “OTLUM” (binaligtad na multo) na idinirek ni Joven Tan na isa ring writer-composer.

Nalaglag kasi sa pilian ang pelikula ni Brillante Mendoza na “Alpha: the Right To Kill”, at balitang mas pinaboran ng MMFF Selection Committee ang “OTLUM” na pinagbibidahan nina John Estrada, Jerome Ponce, Buboy Villar, Michelle Vito, Irma Adlawan at ang sikat na basketball player na si Ricci Rivero.

Ayon pa sa chika, naging mainit ang pagde-deliberate ng Selection Committee bago i-announce ang Final 4 na kukumpleto sa Magic 6 ng taunang filmfest hanggang sa magdesisyon na nga ang grupo na ipasok ang horror movie ni Direk Joven.

Ayon sa direktor, inaasahan na niya na may mga mamba-bash at mangnenega sa “OTMUL” sa dahil nga tinalo nito ang “Alpha” ni Dante Mendoza.

“Hindi ko talaga alam ang sasabihin ko, ang hirap ng sitwasyon namin. Pero sobrang saya ko dahil kami ang napili. Siguro, sinuwerte lang, lucky day ko ngayon. Tsaka nagsimba ako kanina, talagang nagdasal ako,” ani Direk Joven.

Para sa mga hindi pa nakakaalam, noong 2013, si Direk Joven ang naging grand winner sa Himig Handog P-Pop Love Song songwriting competition para sa kantang “Anong Nangyari Sa Ating Dalawa?” na kinanta ni Ice Seguerra.

Ayon pa kay Joven, ang “OTMUL” ay isang barkada horror movie at tribute raw niya ito sa “Shake, Rattle & Roll” ng Regal Films, “Ako kasi, talagang fan ako ng SRR, sino bang Pinoy ang hindi, di ba? So, naisip ko, tutal matagal ng walang Shake, kaya gumawa kami ng horror movie na inspired sa SRR.”

Narito ang pito pang maglalaban-laban sa 2018 MMFF na magsisimula sa Dec. 25: “Aurora” ni Anne Curtis, “Fantastica: The Princess, The Prince & The Perya,” ni Vice Ganda, “Girl In The Orange Dress,” nina Jericho Rosales at Jessy Mendiola, “Jack Em Popoy: The Puliscredibles” starring Vic Sotto, Coco Martin and Maine Mendoza.

Kasama namang in-announce ng MMFF Executive Committee sa Final 4 ang “Rainbow’s Sunset,” nina Aiko Melendez, Sunshine Dizon, Eddie Garcia at Gloria Romero; “One Great Love,” nina Kim Chiu, JC de Vera at Dennis Trillo; at ang “Mary, Marry Me” na pagbibidahan ng magkapatid na Toni at Alex Gonzaga with Sam Milby.

Ang Selection Committee ng MMFF 2018 ay pinamunuan ng National Artist for Literature na si Bienvenido Lumbera, with members Jesse Ejercito, Evylene Advincula, Roy Iglesias, Maria Anicia Naval, Mel Chionglo, James Bartolome, Lualhati Bautista, Cesar Ona Jr., Irene Jose, Lilibeth Nakpil at Consoliza Laguardia.

Read more...