NAG-AMBAG ng tatlong gintong medalya sina para cyclist Arthus Bucay at chess player Sander Severino para sa Team Philippines sa bisperas ng closing ceremony ng 3rd Asian ParaGames sa Jakarta, Indonesia.
Nahablot ni Bucay ang kanyang unang gold medal sa quadrennial event sa 4000m Individual Pursuit matapos nitong maabutan ang karibal mula sa host Indonesia na si Surfyan Saori. Nakuha ni Saori ang pilak habang ang tanso ay nauwi ni Mahdi Mohammad ng Iran.
Si Severino, na isang FIDE Master, ay kumubra ng dalawa pang ginto mula sa rapid play para maging pinakamaraming nakuhang medalya na Pinoy athlete sa natipon na apat na gold medal at tulungan ang bansa na humakot ng kabuuang siyam na ginto sa multi-sports tournament. Mayroon din pitong pilak at siyam na tanso ang Pilipinas.
Si Severino, na na-diagnose na may muscle dystrophy noong siya ay bata pa, ay tinalo si FM Serik Soltanov ng Kazakhstan sa ikapito at huling round para maghari sa individual rapid P1 event sa nalikom na 6.5 puntos para maungusan ang mga kababayan na sina Henry Lopez (5.0) at Jasper Rom (4.5), na nauwi ang pilak at tanso.
Ang 1-2-3 na pagtatapos nina Severino, Lopez at Rom ay awtomatikong nagbigay sa mga Pinoy chess players ng team gold medal, na nagsara sa mahusay na paglalaro ng Philippine chess team.
Isinara naman ng PH chess team ang kanilang kampanya na may natipong kabuuang limang ginto kabilang ang nabulsang tatlong gold sa standard event noong Miyerkules.
Ang mga ginto ni Severino ay galing sa individual at team play habang ang isa pang ginto ng mga Pinoy ay mula sa standard B2-B3 team event na napagwagian nina Arman Subaste, Menando Redor at Israel Peligro.